Sunday, August 29, 2010

Module 11: Mga Liham at Panulaang Rizal

I. Mga Tanong:

1. Paano nating pag-aaralan nang husto ang Panulaang Rizal na nasa wikang Banyaga?

2. Natuto lang ba si Pepe na sumulat ng mga tula noong siya’s nasa Europa na?

3. Sinong Europeo ang naging matalik na kaibigan ni Rizal at kasulatan niyang matagal?

4. Di-hamak na mas madali ngayon ang pakikipagsulatan, kaysa sa panahon ni Rizal. Nagagawa ba natin ang buhay na pakikipag-ugnayan sa mga kamag-anak at kaibigan?

5. Makakatulong ba sa mga Pilipino sa kasalukuyan kung madalas tayong magsusulatan ukol sa mahalagang mga bagay na sukat pag-isipan nang malaliman?


II. Mga Tula ni Rizal

  1. Sa mga tula ni Rizal, may ilan tayong kinikilala bilang pinakamahalaga.
    1. Sa Aking mga Kababata (ukol sa pagmamahal sa sariling wika)
    2. Mi Retiro (sa aking pahingahan – nagpapadama sa kahalagahan ng pagpapahinga at katiwasayan ng kalusugan, kahit may suliranin)
    3. A Los Flores del Heidelberg (sa mga bulaklak ng Heidelberg, syudad sa Germany kung saan siya nagtapos ng kursong Medisina) – nagpahayag ng kanyang pagiging “homesick” nang tumatagal na angt pagkakalayo sa sariling bayan at sa sarili nitong mga bulaklak at likas na kagandahan.
    4. Me Piden Verzos (Hiningan n’yo ako ng mga taludtod) –Kaya, heto!
    5. Mi Ultimo Adios (Huling Pamamaaalam Ko), nilamay buong gabi ng bisperas ng kanyang kamatayan, nagpapahayag ng marubsob na pagma-mahal sa lupang tinubuan na kanya nang iiwan at pag-aalayan ng buhay kinaumagahan. (Isinalin ito sa Tagalog ni Andres Bonifacio at pinamagatang Pahimakas.
  2. Usapin ng ginamit na wika. Noong bata pa si Pepe, sumulat siya ng magandang tula ukol sa pagmamahal sa sariling wika, at ikinapanalo pa niya ito sa isang patimpalak nang siya’y siyam na taon pa lamang. Ano ang nangyari’t marami na sa kanyang isinulat sa kanyang paglaki ay isinulat na niya sa wikang banyaga? Isang paliwanag dito ay ang isang batayang prinsipyo sa komunikasyon—sumulat sa wikang pamilyar sa mga inaasahan mong babasa o makikinig sa iyo.


III. Mga Liham ni Rizal

  1. Limang aklat ang bumuo ng “Epistolario” – ang Epistolario Rizalino ay isang koleksyon ng mga liham na isinulat ni Pepe Rizal sa iba’t ibang pook at kalagayan at naghatid sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan ng mga salaysay ukol sa naging mahirap niyang buhay sa kalagayang inialay na niya ito sa ating bayan.
  2. Ang mas mahalaga sa mga Liham ni Rizal. Isang sulat ang namumukod-tangi pa sa maraming naisulat niya kay Ferdinand Blumentritt at iba pa niyang kaibigan (kasama na ang Heswitang si Pastells na nangungumbinse sa kanyang magbalik-loob na sa relihiyon at Simbahang Katoliko), sa kanyang mga magulang (ama, ina, at kuyang si Paciano). Ito ang ipinadala niyang pagbati sa Liham sa mga Kababaihan ng Malolos, sa kagalakan niyang may matindi palang katatagan ang paninindigan ng mga ito para sa ninanais nilang pagtatayo ng isang lokal na paaralan para sa pag-aaral nila ng wikang Espanyol. Sa sulst ns ito ay pinuna niya ang pagtuturo ng Simbhang Katoliko na maging mga maaamong tupa at mag-asal-alipin na lamang ang kababaihan ng Pilipinas at sunud-sunuran sa mga lalaki, lalo na sa mga pari.

.

Pitong bagay ang binigyan niya ng diin sa liham na ito:

Ang unang-una. Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.

Ang ikalawa. Ang inaalipusta ng isa ay nasa (kakulangan) ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa umaalipusta.

Ang ikatlo. Ang kamangmanga’y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba ay parang hayop na susunod sa tali.

Ang ika-apat. Ang ibig magtago ng sarili ay tumutulong sa ibang magtago ng kanila, sapagkat kung pabayaan mo ang iyong kapwa ay pababayaan ka rin naman: ang isa-isang tinting ay madaling baliin, ngunit mahirap (baliin) ang isang bigkis na walis.

Ang ika-lima. Kung ang babaing Tagalog ay di magbabago, hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan (tagapagsilang) lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, kung hindi’y ipagkakanulo nang walang malay ang asawa, anak, bayan at lahat.

Ang ika-anim. Ang tao’y inianak na paris-paris (magkakatulad) , hubad at walang tali, di linalang ng Diyos upang maalipin, di binigyan ng isip para mabulag, at di hiniyasan ng katuwiran (upang) maulol ng iba. Hindi kapalaluan ang di pagsamba sa kapwa-tao, ang pagpapaliwanag ng isip at ang paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo ay ang nagpapasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig papaniigin ang kanyang ibig sa matuwid at karampatan.

Ang ikapito, Liningin ninyong magaling kung ano ang relihiyong itinuturo sa atin. Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristong panlunas sa lahat ng mahirap, pang-aliw sa dusa ng nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng sa inyo’y itinuturo, ang pinapatunguhan ng lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, novena, cuitas, kalmen, larawan, milagro, kandila, correa at iba’t iba pang iginigiit, inihihiaw, isinusurot araw-araw sa inyong loob, tenga at mata, at hanapin ninyo ang puno’t dulo, at iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo, at tingnan ninyo kung hindi ang inyong pagka-Kristiyano ay paris ng inaalagaang gatasáng hayop o paris ng pinatatabang baboy kaya, na di pinatataba alang-alang sa pagmamahal sa kanya, kundi (upang) maipagbili nang lalong mahal at nang lalong masalapian (lalo silang magkapera).”

Kongklusyon: Ang lahat ng panulat ni Rizal sa iba’t ibang anyo ay kakikitaan ng kasipagan at kalaliman ng pag-iisip, at katatagan ng kahandaang magpakasakit alang-lang sa ikapapanuto at ikagiginhawa ng ating mga kababayan natin sa kanyang pasnahon.

Lagpas nang malaon sa panahong nag-aaral pa, dapat pagsumikapan ng kabaataang Pilipino na maging pamilyar sa mga sulatin ni Rizal upang makadagdag sa katalinuhan habang nililipasan sila ng pagkabata.


No comments:

Post a Comment