Thursday, August 5, 2010

Module 8: (Aug.5) Paglingon sa El Filibusterismo

Module 8: (Aug.5) Paglingon sa El Filibusterismo

A.Mga Tanong:

1. Ang Fili ba ay nagpapahiwatig sa damdamin ni Rizal sa pagiging makatuwiran na maghimagsik ang mga Pilipino noon?

2. Nanindigan ba ang Fili laban sa paghihimagsik? Aling tauhan amg kumatawan dito?

3. Paanong nasalamin sa Fili ang pagpapahalaga ni Rizal sa edukasyon?

4. Paanong nasalamin sa Fili ang pagpapahalaga ni Rizal sa pagsasakripisyong personal?

B. Ang Istorya ng Fili: (maging pamilyar tayo sa daloy ng kwento at mga tauhan)

Buod ng Istorya

Makaalipas ang mahigit sandosenang taon matapos na siya’y makatakas mula sa Pilipinas at ang kasama niyang si Elias ang nabaril at napatay ng mga awtoridad na tumutugis sa kanya, nagbalik si Ibarra sa katauhan ng mayamang alaherong si “Simoun” ns mayroon nnang balbas at di na makilala. Kumpyansa rin siya sa pagkalinga ng kaibigang kapitan-heneral na noo’y narito bilang Gobernador-Heneral na ng Espanya sa Pilipinas. Limot na ang naunang idealismo nang siya’y si Ibarra pa, naging isang tusong mananaabotahe si Simoun na nagbabalak maghiganti laban sa pamamalakad ng mga Kastila sa Pilipinas, at siya’y naging punong pilibustero. Pinasok niya ang lipunan ng mayayaman at inimpluwensyahan ang mga desisyon ng kapitan-heneral upang ang ibunga nito’y mga kapalpakang ikagagalit ng mga Pilipino, upang makaisip na silang magrebolusyon. Balak niyang gamitin ang mga tao sa kanyang paghihiganti. At sa masisimulang paghihimagsik, nais niya ring sagipin si Maria Clara mula sa kumbento, at wakasan ang lahat ng kasamaang nakita at dinanas niya sa kapuluan. Habang naghuhukay siya sa gubat para maitago ang kanyang mga nakabaong kayamanan, nakita siya at nakilala ng binata nang si Basilio na noo’y dumadalaw sa libingan ng kanyang inang si Sisa. Nakita ni Simoun na ang naganap na nakilala siya ni Basilio ay nagdulot ng malaking panganib sa kanya, ngunit ipinasya niyang pagtiwalaan ito at hinimok pang sumama sa mga binabalak niya laban sa mga awtoridad, at ipinaalala dito ang mga kasawiang-palad na nangyari sa kanya at sa kanyang pamilya. Tumanggi si Basilio at sinabing umaasa pa siyang bubuti pa rin sa paglaon ang mga kalagayan sa Pilipinas kahit walang pagdanak ng dugo.

Noon ay magtatapos na sa pag-aaral ng medisina si Basilio sa Ateneo Municipal. Nang maglaho ang kapatid niyang si Crispin at mamatay ang nanay niyang si Sisa, sinunod ni Basilio ang payo ng nag-aagaw-buhay nang bangkerong si Elias at naglakbay siya tungong Maynila upang mag-aral. Inampon siya ni Kapitan Tiago nang iwan na ito ng nagmadreng si Maria Clara. Sa tulong ng matanda, nakapasok pa si Basilio sa Colegio de San Juan de Letran na sa simula’y dinanas niyang pagmamaliit ng mga kaklase niya dahil kasumanggi siya’t gusgusin pa. Nangyari din ito sa kanya sa Ateneo. Ang kalusugan ni Kapitan Tiago ay lumuluba dahil ang paring kumpisalan nito, si Padre Irene, ay nagpapahithit sa kanya ng opyo (opium), bagay na pilit sanang hinahadlangan ni Basilio. Nais noon ng binata at ng kanayang mga keeskwela na makapagtayo ng isang paaralan ukol sa pag-aaral ng wikang Espanyol, upang makapagsulat at makapagbasa na sila sa wikang Espanyol, sa kabila ng pagkontra ng mga paring Dominikano sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Sa tulong ng napipilitan lamang na si Padre Irene bilang tagapagtulay at na pasya ni Don Custodio, naitayo ang akademya; gayunman sila ay magiging mga tagapanglaga at hindi papayagang maging mga guro. Sa sama ng loob ay angdaos sila ng isang nanunuyang “selebrasyon” sa isang pansitan. Na napanood pala ng isang espiya.

Pinanatili naman ni Simoun ang mahigpit na pakikipag-ugnay sa pangkat-bandido ni Kabesang Tales, dating punong baranggay na sa una’y mayamang may-ari ng plantasyon ng asukal ngunit napwersang ibigay ang kanyang mga ari-arian sa sakim na mga prayleng Kastila. Ang anak niyang si Tano na naging guwadya sibil ay dinakip ng mga tulisan at ang kanyang dalagang anak na di Juli ay kinailangang magpaalila para kumita ng sapat na pantubos kay Tano, at ang kanyang amang si Tata Selo ay nai-stroke at naging pipi. Bago sumama sa mga bandido si Tales, kinuha niya ang rebolber ni Simoun nang minsa’y natulog ito sa kanyang bahay. Bilang kabayaran, pinalitan niya ito ng agnos (locket) na dating kay Maria Clara.

Sa pagsusulong ng balak niyang magsimiula ng himagsikan, kinumbinse ni Simoun si Quiroga, isang Intsik na nag-aambisyong magig konsul sa Pilipinas, na magpuslit ng mga armas papasok ng Pilipinas, gamit ang kaanyang bazaar bilang pantakip. Nais na sanang atakihin ang isang dulang panteatro na dialuhan ng kanyang mga kaaway, ngunit itinigil niya ang balak nang sabihin sa kanya ni Basilio na namatay na sa kumbento si Maria Clara.

Ilang araw pagkalipas ng mamumuyang “selebrasyon” sa pansiterya, may lumitaw na maraming mga nagpoprotestang paskel sa buong syudad, at ang mga istudyanteng “nagdiwang” sa pansiterya ay pinagbintangan at inaresto, kasama na si Basilio na wala man lamang sa pansiterya noong idaos ang protestang salu-salo. Namatay si Kapitan Tiago nang nangyari ito at ang kanyang huling testamento na hinuwad ni Padre Irene ay nagsaad na ang lahat ng kanyang kayamanan ay ipinamana niya sa Simbahan, at wala para kay Basilio, na nanatili namang nakakulong, habang ang ibang istudyante ay pinalaya na. Isang mataas na opisyal ang nagtangkang mamagitan para sa paglaya ni Basilio, pero dahil sa hiwaan sa pagitan niya at ng kapitan-heneral, napilitang magbitiw ang opisyal,

Samantala, si Juli, na kasintahan ni Basilio at anak ni Kabesang Tales ay sumunod sa payo ng isang matandang babae at humingi ng tulong ni Padre Camorra. Ngunit sa halip na tulungan, tinangka ni Padre Camorra na gahasain si Juli na matagal nang may pagnanasa sa dalaga. Sa halip na magpaangkin sa prayle, tumalon ang dalaga sa balkonahe at siya’y namatay.

Nakalaya rin si Basilio sa tulong ni Simoun. Nagbago na siya sa maraming nangyari, at pumayag na siyang sumama sa paghihimagsik binabalak ni Simoun. Ibinunyag naman ni Simoun ang binabalak niyang pagpapasabog ng lamparang de-gaas sa napipintong kasal ni Paulita Gomez sa kubang kaklase nila. Ang handaan na idinaos sa dating bahay ni Kapitan Tiago na pinuno na ni Simoun ng mga pampasabog, ay dinaluhan ng lahat ng may-kaya sa lipunan at pamunuan ngf Simbahan.. Ayon sa binalak ni Simoun, lahat ng naroon sa oras ng pagsabog ay mamamatay.Ngunit di nakatiis si Basilio kaya’t sinabihan niya ang kaibigang si Isagani na dating kasintahan ni Paulita. Nag-iwan naman si Simoun ng isang pirasong papel na may nakasulat na mga katagang “Mene Thecel Phares. Juan Crisostomo Ibarra” at mabilisang umalis. Nang humina na ang apoy ng lampara na ihinandang sumabog kapag nagalaw ang mitsa, dinampot ni Isagani ang gasera at ihinagis ito sa ilog upang di na pumutok. Pagkatapos ay nagsisi siya sa pagbigo sa binalak ni Simoun na maaari din ngang nakapagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino sa illim ng paghaharing Kastila.

Dahil bigo sa binalak na pagsabog at bistado na sa binalak na himagsikan, kinailangang lumayo si Simoun bilang isang pugante. Hinabol siya’t pinaputukan ng mga guwardya sibil at nasugatan. Nagtago siya sa bahay ni Padre Florentino, tiyo ni Isagani, at nagpagamot kay Don Tiburcio na nagtatago rin doon. Uminom siya ng lason para huwag siyang mahuli nang buhay, ngunit bago namatay ay ihinayag niya ang tunay niyang pagkatao kay Padre Florentino at ang binalak niyang paghihiganti. Tinalakay nila ang kanyang nakaraan at mga binalak para sa bayan. Nang mamatay na siya, kinuha ng pari ang kanyang baul ng mga alahas at ihinulog ito sa karagatang malalim, habang nagsasabing ilitaw sana itong muli ng karagatan sa panahong mapapakinabangan na ng taumbayan.

-o0o-

No comments:

Post a Comment