Thursday, January 13, 2011

Rizal-Module 6 Pagka-martir at Pagkabayani ni Rizal

Mga Tanong:
1, Ano ang matalas na pagkakaiba ng pagka-martir at ang pagkabayani ng isang tao?
2. Ilang ulit nagpakabayani si Rizal sa buong buhay niya?
3. Dahil ang pagpapasimuno sa pagbubuo ng bansa at pamumuno sa pagrerebolusyon ang pinakamalaking paglilingkod sa Inang Bayan nong mga panahong iyon, dapat na bang bale-walain ng mga Pilipino ang kabayanihan ni Rizal?
4, Dahil ba iprinoklama ng kolonyal na pamahalaang Amerikano sa Pilipinas na si Rizal ang ating nag-iisang pambansang bayani ay dapat na natin siyang tanggihan bilang isa sa ating mga tampok na bayani?
5. May epekto ba sa buhay mo at kamalayan ang mga napag-aralan mo ukol kay Rizal?

Pagka-martir ni Rizal:
.

.......
Kamatayan ni Rizal sa kamay ng kolonyal na pamahalaang Espanyol, na siyang nagpasya at nagsagawa, ang wastong ituring na pagka-martir niya, tulad ng ginawa sa tatlong paring Gom-Bur-Za. ng labintatlong mga taga-Cavite, at ilampung libo pang ibang mga Pilipinong walang-kalaban-labang winakasan ng buhay. Mga martir ding matatawag ang mga pinadaan sa malupit na pagpapahirap, matagal na pagkakakulong, pagpapatapon nang napakalayo sa kanilang mga mahal-sa-buhay, at iba pang pinalasap ng pamamarusang wala namang ginagawang pagkakasala sa ibinibintang sa kanila o napakagaan lamang ang bintang.
.
.......
Ang parusang kamatayan kay Rizal ay ipinasya ng gobyernong kolonyal sa loob ng iilang araw matapos siyang arestuhin pagdating sa Maynila. Nagtangka pa siyang magboluntaryong magsilbi bilang doktor sa hukbo ng Espanya sa Cuba, pero di ito umubra. Naglabas pa siya ng pahayag para distansyahan at kondenahin ang Rebolusyong 1896 na nagsimula noong Agosto at idinidiiin sa kanya, pero di rin ito umubra.
.
.......
Sa kabila ng pag-atake niya sa kanila, sinikap ng Katipunan na sagipin siya sa tiyak na kamatayan ngunit kinailangang pumayag siya rito. Tumanggi siya, sa dahilang wala raw siyang kasalanan sa Espanya. Sinabi rin niyang kung may mamamatay na isa man lamang Katipunero sa pagsagip sa kanya ay wala rin silang mapapala dahil isang buhay ang masasawi sa pagliligtas sa isa ring buhay, nagpapakitang pinahahalagahan niya ng buhay niyon bilang kapantay niya.

Pagkabayani ni Rizal:
.
.......
Hindi pagkamatay ni Rizal ang batayang tawagin natin siyang bayani. Ang pagbayani ay paglilingkod sa pamayanan nang walang hinihintay na kabayaran, at napakarami ang nagbabayani nang buhay pa. Ang pagsasakripisyo ni Rizal para sa pamayanang sambayanan ay di minsan lang, kundi sa buong buhay niya, mula pagkabata, at matitindi ito, gaya na nga ng pagkakakulong at pagkamatay niya.
.
.......
Ang nakakalungkot nga lamang ngayon ay di pa rin nakikilala ang kabayanihan ni Rizal sa maraming pagpapakasakit niya para sa Inang Bayan at ang nakikita lamang ng mga Pilipino ngayon ay ang pagkamatay niya nong Disyembre 30, 1896. Ang dahilan marahil ay ang naging epekto nito sa mga Pilipino-- lalo nilang pinag-ibayo ang pagrerebolusyong sinimulan noong Agosto 1896 hanggang manalo sa Kastila makalipas ang dalawang taon, panalong di inasahan ni Rizal, panalong inagaw ng mga Amerikano na nagsabing sila raw ang nakatalo sa mga Kastila.
.
.......
Isa pang malaking sakripisyo ni Rizal para sa Inang Bayan ay ang kanyang buong buhay na sinikap niyang maging mabuting halimbawa bilang marangal na tao na sukat igalang kahit ng mga kolonyal na mananakop at sukat tularan ng kanyang mga kababayan hanggang sa kasalukuyan.
.
.......
Iprinoklama ng kolonyal na gobyerno sa Pilipinas si Rizal bilang siyang nag-iisang pambansang bayani ng Pilipinas, ngunit ang unang pumili sa kanya upang ituring na huwarang bayani ng mga Pilipino, sa tunay na kahulugan ng katagang "bayani," ay si Bonifacio na nagtakda pa kay Rizal bilang "honorary president" ng Katipunan. May proklamasyon din si Heneral Aguinaldo kay Rizal bilang pambansang bayani noong unang anibersaryo ng pagbaril sa kanya sa Bagumbayan.

No comments:

Post a Comment