Mga Tanong:
1. Anu-ano ang dalawang layunin ni Pepe Rizal sa pagtungo niya sa Europa?
2. Ano ang naging motibo niya sa pag-aaral nang mabuti?
3. Ano ang pinakasukatan niya sa mahusay na pagtuturo?
4. Sa palagay mo ba’y tama lang ang pagkakatakda sa kambal na mensahe? Bakit?
Babasahin:
Kabuluhan ng Pag-aaral tungo sa Mahusay na Paglilingkod
Ang pag-aaral para maging mahusay na manggagamot ay hindi ginusto ni Rizal na iasa sa mga natutunan lang niya sa pre-med niya sa UST, dahil sa tingin nga niya’y mababang uri ng pag-aaral ang nakabatay lang sa pagmememorya at disiplina at walang paggamit ng angkop na mga kasangkapan gaya ng microscope at wala ring malayang mga talakayang naranasan niya sa sistema ng mga Heswita sa Ateneo. Pinili niyang sa Germany pangunahing mag-aral ng medisina.
Pero nagtungo rin siya sa Espanya, dahil doon niya nakitang may magagawa para sa kapakanan ng Pilipinas na noo’y isang ganap na kolonya nito. Kaya sa Germany at Espanya tumagal si Rizal sa haba ng pamamalagi niya sa Europa. Pumunta rin siya sa France, England, at Belgium. Sa Germany at Espanya niya pangunahing sinikap na maisulong ang kambal na layunin ng kanyang pangingibang-bansa: Una, tapusin ang pag-aaral niya para maging ganap nang doktor sa mga mata, upang magamot niya ang kanyang ina; at, pangalawa, gawin ang magagawa upang isulong ang kapakanan ng Pilipinas sa pamamagitan ng maipapalaganap niyang mga mensahe ukol sa ating kapuluang isang kolonya nila.
Kambal din ang mga mensaheng ito: una, ang tunay na galing at dangal ng mga katutubong naninirahan sa Pilipinas, na may naabot nang mataas na antas ng sibilisasyon nang datnan ng mga Kastila; pangalawa, ang mga pang-aabuso at pang-aaping ginagawa rito ng mga prayle, mga opisyal, at mga kawaning ipinapadala rito Espanya. Malinaw at mas madaling gawin ang unang mensahe.
Nang matuklasan niya ang aklat ni Antonio Morga ukol mismo sa Pilipinas, nakita niyang marami sa sinasabi ay tama, pero mayroon ding mga mali, Kaya pinagtiyagaan niyang kopyahin sa sulat-kamay ang buong aklat at ito’y malalimang sinuri, at ang nagawa niya’y isang libro din na pinamagatang Annotating Morga, kanya rin naipalathala at naging bantog na akdang ping-aralan ng mga iskolar at akademiko sa buong Europa. Sunulat din siya ng mga artikulo sa mga lathalaing Espanyol at sa sariling pahayagan ng mga Pilipinong bumubuo ng Kilusang Propaganda, ang La Solidaridad.
Nagkaproblema nang pagsabayin ni Pepe Rizal sa iisang okasyon ang dalawang mensahe: Sa mensahe pa ring “magaling ang mga Pilipino,” tuwang-tuwa siyang nakahanap ng okasyon para ibandila ito—nang magkamit ng unang dalawang pangunahing gantimpala sa International Painting Contest sa Madrid ang parehong Pilipino—sina Juan Luna at Felix Hidalgo. Sa kanyang kagalakan, minarapat niyang magtalumpati sa testimonial dinner para sa dalawang pintor, na dinaluhan pa ng meyor mismo ng Madrid. Nang purihin niya ang dalawa at ipagdiinan ang implikasyon ng kanilang panalo, nagbunyi ang lahat.
Ngunit nang ituloy niya ang kanyang talumpati sa pangalawang mensahe, napikon agad at matinding nagalit ang mga Kastilang nakarinig at ang pagdiriwang ay napalitan ng tensyon. Iyon na ang naging paksa ng mga usap-usapang umabot sa pinakamatataas na opisyal ng Espanya, umabot pa sa Maynila, at umabot pa rin sa Calamba. Iisang kongklusyon ang lumaganap—“Mapanganib at kaaway ng Espanya si Jose Rizal!”
Isang palatandaan ng tagumpay nina Rizal sa Kilusang Propaganda nila sa Europa ay ang pagkampi sa kanila ng isang prestihiyosong Austriyanong si Ferdinand Blumentritt na hanggangg dulo’y naging matalik na kaibigan at kasulatan ni Rizal saanman siya napunta. Naging matagumpay na mga sulatin din nila ang mga artikulo ng pahayagang La Solidaridad, at mga nobelang Noli at Fili. Dala ng bawat isa sa mga ito ang isa man lamang sa kambal na mensahe. Si Marcelo H. del Pilar ang may pinakamaraming isinulat na artikulo sa mga lathalaing ito. Naging katuwang at naging karibal din siya ni Rizal sa pamumuno sa grupo ng mga Pilipino sa Europa.
Friday, January 7, 2011
Rizal-Module-4 Europa: Kambal-Layunin, at Kambal-Mensahe
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment