Mga Tanong:
- Bakit tinatawag na “panlipunang kanser” ang mga ibinubunyag sa Noli?
- Bakit masasabing ang Noli ay maaaring ituring na aklat pangkasaysayan ng mga kasalukuyang Pilipino?
- Ginamit ng Kolonyal na paghaharing Kastila sa Pilipinas ang relihiyon at ang pagkasilaw ng ating mga ninuno sa anumang maituturing nilang banal; dahilan kaya ito kaya pinuruhan ni Rizal sa Noli ang mga kasalanan ng mga prayle, pati na ang kanilang pagkahayok sa laman?
Buod ng Nobela:
Matapos mag-aral sa Europa, umuwi si Juan Crisostomo Ibarra sa bayan ng San Diego na iniwan niya nang pitong taon. Bago nakarating si Ibarra sa San Diego na nasa Laguna, my isang Tenyente Guevarra ng guardia sibil nagkwento sa kanya ng mga insidenteng nauna sa pagkamatay ng kanyang amang si Don Rafael Ibarra, isang mayamang asendero. Ayon sa tenyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso na heretiko at pilibustero daw, dahil hindi nagsisimba at di rin lumalahok sa mga sakramento. Lumubha pa ang hidwaan nang mamagitan si Don Rafael sa isang away sa pagitan ng isang kolektor ng buwis at isang bata, at ang pagkamatay ng kolektor, na isang aksidente ay isinmisi pa rin kay Don Rafael. Pinarami at pinalitaw ni Padre Damaso ang lahat ng mga may reklamo laban kay Don Rafael, at siya’y ipinakulong. Nang malapit na sanang maayos ang lahat, siya’y biglang nagkasakit at namatay sa kulungan. Inilibing sa sementeryong Katoloko, ang bangkay ay ipinalipat sa libingan ng mga Intsik. Gabi at umuulan nang isagawa ang iniutos na paglipat, kaya’t para makaiwas na mahirapan ay nagpasya ang mga nagbubuhat na itapon na lang sa lawa ang naagnas nang bangkay.
Pagdating sa San Diego, binisita ni Ibarra si Pilosopong Tasyo para hingan ng payo ukol sa kanyang planong magtayo ng paaralan doon. Nadatnan niya itong nagsusulat ng ayaw niyang ipabasa at di raw iniuukol sa kanilang mga kapanahon. Para daw iyon sa hinaharap pa, kapag makakaya nang maunawan ng mga tao. Sinabi ni Tasyo ang mga katagang ito: “Hindi lahat ay natutulog o nagtutulug-tulugan sa madidilim na gabi ng ating bayan.”
Sa pagdating na iyon ni Ibarra sa San Diego, naghandog ng isang piging o salu-salo para sa kanya si Don Santiago de los Santos (Kapitang Tiago) at inimbita ang malalaking tao, kabilang ang dating kura-paroko na si Padre Damaso, na bumanggit naman ng pananalitang insulto kay Ibarra. Hindi iyon sinagot ni Ibarra at ipinasya niyang umalis na lamang.
Kinabukasan, binisita ni Ibarra ang kasintahang si Maria Clara, kilalang magandang anak ni Kapitang Tiago, mayamang taga-Binondo. Wala naman sa isip ni Ibarra ang paghihiganti. Ang ninanais lang niya noon ay ituloy ang pagtatayo ng iskwelahang binalak itayo ng kanyang ama, sa paniniwalang edukasyon ang magdudulot ng pag-unlad sa Pilipinas ns maging isang bansa. Sa pasinaya sa pagsisimula ng konstruksyon ng eskwelahan, may nagtangkang pumatay kay Ibarra, ngunit iniligtas siya ng misteryosong lalaking si Elias, na una’y nagbabala sa kanya ukol sa planong pagpaatay sa kanya. Sa nangyari, ang papatay sana ang namatay sa isang aksidente doon. Sa tensyon ng mga pangyayari ay nadismaya at nagkasakit nang malubha si Maria Clara at mabuti na lang at napagaling din ng gamot na ipinadala ni Ibarra.
Matapos ang seremonya, nagpakain ng tanghalian si Ibarra at walang-pahintulot na dumalo si Padre Damaso. Nang-insultong muli ang pari, pero ngayo’y di na lamang si Ibarra ang ininsulto niya kundi pati ang ama nito. Di na nakapagpigil si Ibarra at sinunggaban si Damaso at inaambaan ito ng saksak. Napigil namang maituloy ito, at gumanti ang pari sa pamamagitan ng ekskomunikasyon o pagtitiwalag kay Ibarra sa Simbahan, para hindi na rin maipagpatuloy ang relasyon at pag-aasawa nito kay Maria Clara. Ang gusto kasi ni Damaso ay makasal ang dalaga sa Kastilang nagngangalang Linares na kararating lang mula sa Espanya.
Sa tulong ng Kapitan-Heneral, napawalang-bisa ang ekskomunikasyon kay Ibarra at ipinasya ng Arsobispo na muli siyang tanggapin sa Simbahan. Pagkatapos ay pinagbintangan siyang muli sa isang insidenteng wala siyang nalalaman, at inaresto siya’t ikinulong, ngunit napawalang-bisa ang bintang dahil walang makapagtestigong talaga nga siyang nasasangkot sa kaso. Sa kasamaang-palad ang liham niya kay Maria Clara ay napakasakamay ng mga hukom at minaniobra ng kura parokong si Padre Salvi upang maging ebidensya laban sa kanya. Naipakitang kahit mahina sa kaanyuan, si Padre Salvi ang pinakatuso at imbing tauhan sa nobelang ito. Ipinahamak niya si Ibarra, at sinira ang pagkatao nito para di makasal kay Maria Clara na matagal na palang pinagnanasaan ng pari.
Samantala, sa tahanan ni Kapitan Tiago ay may isang salu-salo upang ipahayag ang nalalapit ni Maria Clara kay Linares. Sa tulong ni Elias, tumakas ng piitan si Ibarra. Bago umalis, kinausap ni Ibarra si Maria Clara at ipinamukhang kataksilan ang ginawa nitong pagbibigy kay Padre Salvi ng liham ni Ibarra sa dalaga. Ipinaliwanag naman ni Maria Clara na naobliga siyang ibigay ang liham kapalit ng mga liham ng kanyang ina kay Padre Damaso bago pa siya isilang. Tinutukoy sa mga liham ang tungkol sa sanggol nilang dalawa (ng sumusulat at sinusulatan) na isisilang pa lamang, si Maria Clara!
Pagkatapos, sumakay ng bangka sina Ibarra at Elias. Pinadapa ni Elias si Ibarra, at tinakpan siya ng mga dayami para huwag makita ng mgs humahabol sa kanila. Ngunit nakita pa rin sila ng mga ito at pinaputukan. Naisip ni Elias na tumalon sa tubig, at siya ang pinagtuunan ng putok, akala ng mga humahabol ay si Ibarra ang tumalon sa tubig.
Nalungkot nang labis si Maria Clara sa pag-aakalang napatay si Ibarra sa putukang iyon. Pinuntahan niya si Padre Damaso at hiniling na ikulong na lamang siya sa kumbento ng mga madre. Nagbanta siyang magpapakamatay kung di susundin ang kahilingan, kaya’t pumayag na rin si Damaso. Walang kamalay-malay si Maria Clara na buhay pa si Ibarra.
Si Elias pala ang napuruhan ng mga bala. Bisperas na ng Pasko nang magising siya sa gubat, na naliligo sa dugo. Dito niya sinabihan si Ibarra na magtuloy para magkita silang muli. Ang natagpuan niya doon ay ang batang sakristang si Basilio, kalung-kalong ang walang buhay na inang si Sisa. Nabaliw si Sisa nang malamang ang batang anak niya ay itinaboy sa simbahan matapos bugbugin ng sakristan mayor nang matindi ang mas bata sa kanila, si Crispin, na ikinamatay nito. Una’y pinagbintangan si Crispin ng pagnanakaw ng mga kayamanan ng simbahan (na sa totoo ay ang sakristan mayor mismo ang nagnakaw). Pinagtulungan nina Elias at Basilio na mailibing si Sisa.
Matapos ito, nakahiga na’t nalalapit sa pagkamatay si Elias at nagpahayag kay Basilio. Sinabi niya rito na ipagpatuloy ang pangangarap na lalaya ang mga Pilipino. Ani Elias: “Mamamatay akong di nakikita ang bukang-liwayway ng kalayaan sa aking bayan. Kayong mga makakakita, batiin n’yo siya at pagpugayan! Huwag n’yo lamang kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!” At siya’y namatay.
Sa epilogo, sinabing si Kapitang Tiyago ay natuluyang maging adik sa opyo at madalas sa opium house sa Binondo. Naging madre si Maria Clara sa kumbento at madalas siyang pinunupuntahan doon ni Padre Salvi. May usap-usapang lumaganap na “ginagamit” siya ng pari para sa pagnanasa ng huli.
-o0o-
No comments:
Post a Comment