Thursday, January 20, 2011

Rizal Course - Final Exams

Name______________________________________________
.
Read all instructions first before writing any answers. Exam Policy: Open books/notes; but
no copying from or consulting with classmates. All exam papers should be in by end of period.
International Academy of Management and Economics (IAME) – Makati City (Prof. E. A. Reyes)
.
FINAL EXAMS FOR RIZAL LIFE & WORKS
A. Objective - 40% (write the full word TRUE or the full word FALSE on the blenk before the number of each item.)
_______ 1. Kilalang-kilala na ang pangalang Jose Rizal sa buong Calamba mula ng batang-bata pa ang bayani.
_______ 2. Lahat ng pangyayari sa pagkabata ni Rizal ay nagpatunay nang ibang-iba siya bilang isang Pilipino.
_______ 3. Ang tinutukoy na “idolo ng idolo” ni Pepe ay si Marcelo del Pilar.
_______ 4. Nag-aral ng medisina si Rizal para makayanan niyang gamutin ang polio ng kanyang ina.
_______ 5. Nagustuhan niya ang pagtuturo ng mga Heswita sa Ateneo; hindi ang sa mga Dominikano sa UST.
_______ 6. Naging malapit ang loob niya sa tiyahing si Leonor Rivera, ngunit ang inibig talaga niya’y si Paulita Gomez.
_______ 7. Sa buong Europa, sa Espanya lang nagtagal si Rizal.
_______ 8. Tuwang-tuwa sina Rizal nang manalo ng 1st at 2nd Prize sa oratorical contest ay kapwa Pilipino.
_______ 9. Nagtrabaho si Rizal sa Hong Kong bilang isang batikang abogado na nagtatanggol sa mga Pilipino.
_______ 10. Ang unang nobela ni Rizal ay tungkol sa kanser ng lipunan sa Pilipinas.
_______ 11. Walang nagawang tula si Rizal hanggang sa siya’y binata na.
_______ 12. Sa mga nobela ni Rizal, mahigpit na magkaaway si Ibarra at si Simoun.
_______ 13. Matindi ang pagpapahalaga ni Rizal sa mga insekto at iba pang maliliit na hayop.
_______ 14. Maalam sa engineering si Rizal kahit noong panahon niya’y wala pang malalakas na makinarya.
_______ 15. Magmula’t sapul ay galit na galit kay Jose Rizal ang Katipunang itinayo ni Andres Bonifacio.
_______ 16. Nagtangka si Rizal na makapunta nang palihim sa Cuba para makatulong sa kanilang Rebolusyon.
_______ 17. Ang unang mahabang tula ni Rizal sa wikang Tagalog ay ang kanyang Huling Pamamaalam.
_______ 18. Hindi natuloy na pakasalan ni Rizal si Josephine Bracken dahil matinding tumutol ang kuya niya.
_______ 19. Mga Amerikano ang unang nagpasya na dakilain ng mga Pilipino si Jose Rizal bilang huwaran.
_______ 20. Iisa lang dapat ang pambansang bayani ng isang bansa; at para sa mga Pilipino, iyon ay si Rizal.

B. ESSAY – 60% (choose two out of the essay questions below. For each of these, state your answer and the full explanation in the top half or the bottom half of the back of this sheet. 30% for each question chosen and answered is broken down as follows: 10% for effort (mainly the length of the answer); 10% for accuracy; and 10% depth of the answer.

1. Gawain natin na gawing lipás na ang kabluhang pulitikal ni Rizal sa kasaysayan ng Pilipinas.

2. Naging buhay ng paglilingkod sa kapwa ang naging buhay ni Rizal nang ipatapon siya sa Mindanaw.

3. May depinido na bang plano si Rizal ukol sa gobyernong itatayo nang umuwi siya sa Pilipinas?

4. “Tao lamang” si Rizal, kaya’t pinasok din siya ng pagkainip, ng takot, at pag-asam ng katanyagan.



NAME OF SIGNATURE::________________________________
E-MAIL ADDRESS____________________________ DATE:________________________

Thursday, January 13, 2011

Rizal-Module 12 Nananatiling Kabuluhan ni Rizal

Mga Tanong:
.
.....
1. Kinikilala pa ba sa ngayon ang mga aral mula kay Rizal bilang maspagkukunan ng matalinong mga kalutasan sa kasalukuyang mga problema ng ating lipunan?

.....
2. Aling mga pagbabago sa kalakaran ng ating buhay ang sa anyo lamang at aling mga pagbabago ang talagang makabuluhan?

.....
3. May katwiran ba si Rizal na sumulst din ukol sa sariling mga kahinaan ng ating mga kababayan sa kanyang panahon sa halip na puro ang mga Espanyol lamang ang pagbuntunan ng pagpuna at pagtuligsa?
.......
Gumaling na ba ang Kanser ng Lipunan?
.
.... . Isang makabayang manunulat, ang yumaong si Renato Constantino, ang minsang nagsabing "Our Tak is to Make Rizal Obsolete." Sa biglang tingin, isang pang-iinsulto ito sa alaala ng isa sa ating mga dakilang bayani, na binansagan pang "pambansang bayani" at itinuturing pang "Kristo ng mga Tagalog" ng ilang mga kulto.
.
....... Ngunit sa mas malalim na pag-aaral, ang isang bayani, laluna ang isang kritikong panlipunan na tulad ni Rizal na tumalakay sa "kanser" ng lipunang Pilipino noon pang kanyang panahon, at nag-alay ng buhay sa paglaban sa sakit na iyon upang umunlad at lumaya tayo bilang bansa, pinahahalagahan pala ni Ka Tato ang kabuuang malalaki at maliliit na sakripisyo ni Rizal kaya't sinabi niyang ang ninais ng bayani ay magtagumpay na rin sana, sa wakas, at di na kailanganin pang patuloy na ipaglaban, at kung gayo'y maituturing na lipás o "obsolete" na.

....... Sa nangyaring nagpapatuloy na kabuluhan sa kasalukuyan ng mga pagsusuri at pagnununyag ni Rizal sa kalakaran ng lipunan, napapatunayang walang gaanong naging epekto ang kanyang ginawang mapangahas na pagbubunyag at pagbatikos, kaya walang gaanong nabago sa kalakaran ng lipunan, at nananatiling makabuluhan ang kanyang mga pagsusuri.

.......
Ang mamatamisin sana ng isang mapagsuring bayani ay magwakas ang mga kaapihang tinuligsa niya at lingunin na lamang nating mga kasalukuyang salinlahi ang isang masamang nakaraan.
Ngunit nangyari na ngang nanatili at patuloy na dinaranas ng Pilipinas ang tinukoy ni Rizal na isang kanser ng lipunan, ang mas malungkot pa'y nilimot na ng lipunang Pilipino ang mga aral na ipinamana sa atin ni Rizal, na pinabayaran pa niya ng dugo.

....... Dahil sa napakaraming nagbago sa mga materyal na kasangkapan ng mga Pilipino at sa mga ugnayan at ugali natin sa paggamit ng mga ito, di natin makitang nananatili ang mga depektong tinukoy ni Rizal sa pagkatao at mga kahinaan ng ating mga kababayan, at inaakala na ng marami sa atin na lipás na nga ang kabuluhan ni Rizal sa ating buhay.

...... Tungkulin nating gawing lipás o "obsolete" ang mga aral na iniwan sa atin ni Rizal. Ngunit tungkulin nating gawin munang lipás o "obsolete" ang mga kalakaran at kalagayang kanyang binabatikos sa kanyang panahon.

Rizal-Module 6 Pagka-martir at Pagkabayani ni Rizal

Mga Tanong:
1, Ano ang matalas na pagkakaiba ng pagka-martir at ang pagkabayani ng isang tao?
2. Ilang ulit nagpakabayani si Rizal sa buong buhay niya?
3. Dahil ang pagpapasimuno sa pagbubuo ng bansa at pamumuno sa pagrerebolusyon ang pinakamalaking paglilingkod sa Inang Bayan nong mga panahong iyon, dapat na bang bale-walain ng mga Pilipino ang kabayanihan ni Rizal?
4, Dahil ba iprinoklama ng kolonyal na pamahalaang Amerikano sa Pilipinas na si Rizal ang ating nag-iisang pambansang bayani ay dapat na natin siyang tanggihan bilang isa sa ating mga tampok na bayani?
5. May epekto ba sa buhay mo at kamalayan ang mga napag-aralan mo ukol kay Rizal?

Pagka-martir ni Rizal:
.

.......
Kamatayan ni Rizal sa kamay ng kolonyal na pamahalaang Espanyol, na siyang nagpasya at nagsagawa, ang wastong ituring na pagka-martir niya, tulad ng ginawa sa tatlong paring Gom-Bur-Za. ng labintatlong mga taga-Cavite, at ilampung libo pang ibang mga Pilipinong walang-kalaban-labang winakasan ng buhay. Mga martir ding matatawag ang mga pinadaan sa malupit na pagpapahirap, matagal na pagkakakulong, pagpapatapon nang napakalayo sa kanilang mga mahal-sa-buhay, at iba pang pinalasap ng pamamarusang wala namang ginagawang pagkakasala sa ibinibintang sa kanila o napakagaan lamang ang bintang.
.
.......
Ang parusang kamatayan kay Rizal ay ipinasya ng gobyernong kolonyal sa loob ng iilang araw matapos siyang arestuhin pagdating sa Maynila. Nagtangka pa siyang magboluntaryong magsilbi bilang doktor sa hukbo ng Espanya sa Cuba, pero di ito umubra. Naglabas pa siya ng pahayag para distansyahan at kondenahin ang Rebolusyong 1896 na nagsimula noong Agosto at idinidiiin sa kanya, pero di rin ito umubra.
.
.......
Sa kabila ng pag-atake niya sa kanila, sinikap ng Katipunan na sagipin siya sa tiyak na kamatayan ngunit kinailangang pumayag siya rito. Tumanggi siya, sa dahilang wala raw siyang kasalanan sa Espanya. Sinabi rin niyang kung may mamamatay na isa man lamang Katipunero sa pagsagip sa kanya ay wala rin silang mapapala dahil isang buhay ang masasawi sa pagliligtas sa isa ring buhay, nagpapakitang pinahahalagahan niya ng buhay niyon bilang kapantay niya.

Pagkabayani ni Rizal:
.
.......
Hindi pagkamatay ni Rizal ang batayang tawagin natin siyang bayani. Ang pagbayani ay paglilingkod sa pamayanan nang walang hinihintay na kabayaran, at napakarami ang nagbabayani nang buhay pa. Ang pagsasakripisyo ni Rizal para sa pamayanang sambayanan ay di minsan lang, kundi sa buong buhay niya, mula pagkabata, at matitindi ito, gaya na nga ng pagkakakulong at pagkamatay niya.
.
.......
Ang nakakalungkot nga lamang ngayon ay di pa rin nakikilala ang kabayanihan ni Rizal sa maraming pagpapakasakit niya para sa Inang Bayan at ang nakikita lamang ng mga Pilipino ngayon ay ang pagkamatay niya nong Disyembre 30, 1896. Ang dahilan marahil ay ang naging epekto nito sa mga Pilipino-- lalo nilang pinag-ibayo ang pagrerebolusyong sinimulan noong Agosto 1896 hanggang manalo sa Kastila makalipas ang dalawang taon, panalong di inasahan ni Rizal, panalong inagaw ng mga Amerikano na nagsabing sila raw ang nakatalo sa mga Kastila.
.
.......
Isa pang malaking sakripisyo ni Rizal para sa Inang Bayan ay ang kanyang buong buhay na sinikap niyang maging mabuting halimbawa bilang marangal na tao na sukat igalang kahit ng mga kolonyal na mananakop at sukat tularan ng kanyang mga kababayan hanggang sa kasalukuyan.
.
.......
Iprinoklama ng kolonyal na gobyerno sa Pilipinas si Rizal bilang siyang nag-iisang pambansang bayani ng Pilipinas, ngunit ang unang pumili sa kanya upang ituring na huwarang bayani ng mga Pilipino, sa tunay na kahulugan ng katagang "bayani," ay si Bonifacio na nagtakda pa kay Rizal bilang "honorary president" ng Katipunan. May proklamasyon din si Heneral Aguinaldo kay Rizal bilang pambansang bayani noong unang anibersaryo ng pagbaril sa kanya sa Bagumbayan.

Pagtatatag ng Liga, Pagpapatapon sa Dapitan

Mga Tanong:
1, Bakit ang pagkilala sa sarili bilang sama-samang biktima ng kolonyalismo ay mahalagang unang hakbang sa pagkabansa?
2. Bakit nagmamalasakit kay Rizal ang mga Heswita?
3. Bakit nag-abala siyang gumanap bilang guro ng mga bata?
4. Sa pagtatanim niya at pangongolekta ng mga insektong pag-aaralan ng syensya, masasabi bang malapit sa kalikasan si Pepe?
5. Sa pagsisipag sa Dapitan, naipakita ba ni Rizal ang kanyang kabayanihan na walang kinalaman sa paglaban para sa bayan? Ipaliwanag.

Ang 'Liga' at ang Unang Hakbang sa Pagkabansa
.
.....Itinayo ni Rizal ang La Liga Filipina noong Hulyo 3, 1892, ilang araw pa lamang magmulang dumating siya sa Pilipinas mula sa Hongkong. May mga palatandaang sinimulan niya ang pagtatatag na ito bago pa siya nakatuntong sa piyer ng Maynila. Isa rito ay isang "Konstitusyon ng Liga na ayon sa pagsusuri ay lumilitaw na sa Hongkong pa niya ginawa.
.
.....Dalawang bagay ang napakahalagang pagtuunan natin ng pansin ukol sa Liga:
.
.....Una, nilayon itong magkaroon ng kasangkapan para mabuo ang panimulang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pag-aaral at aplikasyon ng mga reporma. Babago-bago pa lamang nagkakaugnayan ang mga Pilipinong nagmumula sa iba-ibang probinsya nang sumigla ang komersyong pang-kapuluan at bumilis ang paglalakbay sa pagi-pagitan ng mga pulo; kaya't minarapat ni Rizal na magkakilalanan agad ang mga Pilipino bilang kapwa mga katutubo ng kapuluan na nakikipag-ugnayan sa mga dayuhan at may magkakahawig na kalagayan at mithiin. Batayan ito ng kinakailangang matutunan ng mga katutubo upang magbuo ng bansa-- ang pakikipag-kapwa.
.
.....Pangalawa, sa "Konstitusyon" ay itinatakda ang sistema ng pamahalaan na nakabase sa mga lokalidad at mga pamunuan ng mga ito. (Halimbawa, halal na mga alkalde ng bayan-bayan ang maghahalal mula sa kanilang hanay ng magiging governador ng probinsya.) Malinaw na ang pamahalaang ganito ay may mandatong nagmumula sa mga mamamayan at hindi kanino pa mang makapangyarihang hari ng ibang bayan.

Dapitan at Bayaning Paghuhubog ng Pagka-mamamayan
.
.....Matapos arestuhin ang mga sumapi sa Liga, si Rizal na ang inaresto at itinakdang ipatapon sa Espanya. Nakiusap ang mga paring Heswita na sa Zamboanga na lang siya ipatapon, partikular sa bayan ng Dapitan kung saan mayroon silang malaking lupain. Sa pagkakapatapon kay Rizal sa Dapitan, mahigpit na binantayan ang kanyang mga kilos para huwag na siyang muling makisangkot sa pulitika, At binabasa ng kanyang Kastilang bantay ang kanyang mga liham.
.
.....Kayat nakita niyang di siya makakapag-aktibo sa mga gawain para sa kaagad na pagpapalaya sa Pilipinas mula sa kolonyal na paghahari dito ng Espanya. Kaya't itinakda na lamang niya na magpakasipag pa rin ngunit para sa pangmalaunang paghahanda ng mga mamamayan para maging lalong karapatdapat at handang-handa na para sa inaasam na paglaya.
.
.....Kaya't siya'y nagpasyang maging maalam at kapaki-pakinabang na mamamayan sa iba't ibang larangan:.
.....
Bilang manggagamot: Itinuloy niya ang kanyang propesyon na sinimulan sa Hongkong; nanggamot siya nang libre o kaya'y tumanggap ng mga produkto ng bukid bilang bayad..
.....
Bilang guro ng mga bata: May ilang batang lalaki na regular niyang tinuruan ng pagbabasa, pagsusulat, aritmetika, kabutihang-asal, kalinisan at kalusugan, at pagtatanggol-sa-sarili. Ang kanilang mga klase ay idinaos sa lilim ng mga puno..
.....
Bilang magsasaka: Nakapanalo siya sa lokal na lotto ng munting halagang ibinili niya ng lupa at siya ay nagsaka siya ng mga gulay at ng mga puno ng mga prutas,.
.....
Bilang arkitekto at karpintero: Nagdeisenyo siya at nagtayo ng sariling bahay na mayroon pang dagdag na bahay-pahingahan.
.....
Bilang alagad ng sining: Ipinagpatuloy niya ang pagdodrowing na sinimulan niya sa Europa, at kabilang sa mga idrinowing niya ay ang kanyang bahay-pahingahan. .
.....
Bilang alagad ng agham: Nangulekta siya ng mga specimen ng di niya kilalang mga insekto at iba pang mga maliliit na hayop at ipinadala niya ang mga ito sa mga kaibigan niyang scientist sa Europa. Kinilala nilang bagong-tuklas ang ilan at mayroon pang ipinangalan sa kanya..
.....
Bilang inhinyero: Nagdisensyo siya ng isang sistema ng pag-iimbak at paghahatid ng tubig sa bahay-bahay na ang gamit ay mga pipang kawayan na pinagdugtung-dugtong ng karburo..
.....
Bilang organisador: Inorganisa niya ang mga tao para sa paraang bayanihan ay itayo ang sistemang patubig ng Dapitan..
.....
.....Sa sipag niya, minahal siya ng pamayanan sa Dapitan at ihinatid nila siya sa aplaya nang sunduin na siya ng kolonyal na gobyerno para ibalik at litisin sa Maynila.

Friday, January 7, 2011

Rizal Life & Works Modules

RIZAL LIFE & WORKS MODULES

12 Modules (links to individual module blogs embedded here)

A. Buhay ni Rizal

Module 1: Mag-anak at Pagsilang click here

Module 2: Pagkabata: Karaniwan o Naiba? click here

Module 3: Pagbibinata at Pag-aaral click here

Module 4: Europa: Kambal-Layunin at Kambal-Mensahe click here

Module 5: Pagtatatag ng Liga, Pagpatapon sa Dapitan click here

Module 6: Pagka-martir at Pagkabayani ni Rizal click here

B. Mga Isinulat ni Rizal
Module 7: Paglingon sa Noli Me Tangere click here

Module 8: Paglingon sa El Filibusterismo click here

Module 9: Pagtanaw sa Sansiglong Hinaharap click here

Module 10: Paghuhusga Niya: Katamaran Nga Ba? click here

Module 11: Mga Liham at Panulaang Rizal click here

Module 12: Nananatiling Kabuluhan ni Rizal click here

Rizal-Module-10 Katamaran daw ng mga Pilipino?

Mga Tanong (Sagutin matapos mabasa ang module input):

  1. Anu-anong anggulo ang tinalakay ni Rizal ukol sa bintang ng mga Espanyol na tamad raw ang mga Pilipino?
  2. Sa pagtalakay ni Rizal sa usaping ito, maisasagot ba ng mga Espanyol na “Syempre, ipagtatanggol ni Rizal ang mga kababayan niya sa anumang ipintas natin sa kanila!” dahil isang Indio nga siya?
  3. Anong datos ang ibinigay ni Rizal ukol sa progresong dinala ng pagsakop ng Kahariang Kastila sa kapuluang Pilipinas?
  4. Paanong pinatunayan ng sanaysay ni Rizal na matapat ang mga Pilipino sa pakikipagkalakalan sa mga tagaibang-bayan?
  5. Paano mong ilalapat sa kasalukuyan ang obserbasyong “tamad” ang mga Pinoy?

Datos sa Publikasyon at Nilalaman ng Sanaysay na “On the Indolence of the Filipinos”:

Inilathala sa La Solidaridad mula Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890 sinagot ng isang sanaysay na isinaaklat noong 2007 bilang On the Altered Indolence of the Filipinos na ukol naman sa bagong bintang: corruption.

Pagbabasa ng Teksto ng buong Sanaysay na “Indolence”:

Paglaanan ng ilang oras na mabasa ang buong teksto ng “On the Indolence of the Filipinos” sa wikang English, na nasa

http://joserizal.info/Writings/Other/indolence.htm


Rizal-Module-9 Sansiglong Hinaharap

Mga Tanong (Sagutin matapos mabasa ang module input):
1. Ano ang pangkasaysayang konteksto ng petsa ng pagkakasulat ni Rizal sa sanaysay na ito?
2. Karamihan ba ng mga predictions ni Rizal ay natuloy/nagkatotoo?
3. Ipinapanakot ni Rizal sa pamahalaang Espanyol ang marahas na paghihimagsik ng mga Pilipino; pinaniwalaan na niya, at nangyari nga ba, na kayang matalo ng mga Pilipino sa madugong labanan ang hukbo ng Espanya sa ating kapuluan?
4. Paano pinahalagahan ni Rizal ang kalayaan sa pamamahayag sa sanaysay na ito?
5. Ang mga reporma bang iginigiit ni Rizal sa kanyang sanaysay ay may katuturan pang igiit sa pamahalaan ng Pilipinas sa ngayon?

Datos sa Publikasyon at Nilalaman ng Sanaysay: Inilathala ito sa La Solidaridad sa Espanya mula noong Setyembre 1889 hanggang Pebrero 1990 (huling labas noong Pebrero 1, 1890; ang sagot dito ni Prop. Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang The Philippines, A Century Thence, ay inilunsad sa Maynila noong Pebrero 1, 1990 o eksaktong 100 taon.)

Ang Tunay na Pamagat nito ay “Filipinas Dentro de Cien Años.” Ang tamang salin sa English ng pamagat na iyon sa Espanyol ay “The Philippines, Within a Century”), ngunit ang naging mas laganap na pamagat ng salin sa English ay “The Philippines, A Century Hence.”

Pagbabasa ng Teksto ng buong Sanaysay na “Century Hence”
Paglaanan ng ilang oras, maaaring sa hiwa-hiwalay na araw, na mabasa ang buong teksto ng “The Philippines, A Century Hence” sa wikang English, na nasa http://joserizal.info/Writings/Other/centuryhence.htm.