Thursday, January 20, 2011

Rizal Course - Final Exams

Name______________________________________________
.
Read all instructions first before writing any answers. Exam Policy: Open books/notes; but
no copying from or consulting with classmates. All exam papers should be in by end of period.
International Academy of Management and Economics (IAME) – Makati City (Prof. E. A. Reyes)
.
FINAL EXAMS FOR RIZAL LIFE & WORKS
A. Objective - 40% (write the full word TRUE or the full word FALSE on the blenk before the number of each item.)
_______ 1. Kilalang-kilala na ang pangalang Jose Rizal sa buong Calamba mula ng batang-bata pa ang bayani.
_______ 2. Lahat ng pangyayari sa pagkabata ni Rizal ay nagpatunay nang ibang-iba siya bilang isang Pilipino.
_______ 3. Ang tinutukoy na “idolo ng idolo” ni Pepe ay si Marcelo del Pilar.
_______ 4. Nag-aral ng medisina si Rizal para makayanan niyang gamutin ang polio ng kanyang ina.
_______ 5. Nagustuhan niya ang pagtuturo ng mga Heswita sa Ateneo; hindi ang sa mga Dominikano sa UST.
_______ 6. Naging malapit ang loob niya sa tiyahing si Leonor Rivera, ngunit ang inibig talaga niya’y si Paulita Gomez.
_______ 7. Sa buong Europa, sa Espanya lang nagtagal si Rizal.
_______ 8. Tuwang-tuwa sina Rizal nang manalo ng 1st at 2nd Prize sa oratorical contest ay kapwa Pilipino.
_______ 9. Nagtrabaho si Rizal sa Hong Kong bilang isang batikang abogado na nagtatanggol sa mga Pilipino.
_______ 10. Ang unang nobela ni Rizal ay tungkol sa kanser ng lipunan sa Pilipinas.
_______ 11. Walang nagawang tula si Rizal hanggang sa siya’y binata na.
_______ 12. Sa mga nobela ni Rizal, mahigpit na magkaaway si Ibarra at si Simoun.
_______ 13. Matindi ang pagpapahalaga ni Rizal sa mga insekto at iba pang maliliit na hayop.
_______ 14. Maalam sa engineering si Rizal kahit noong panahon niya’y wala pang malalakas na makinarya.
_______ 15. Magmula’t sapul ay galit na galit kay Jose Rizal ang Katipunang itinayo ni Andres Bonifacio.
_______ 16. Nagtangka si Rizal na makapunta nang palihim sa Cuba para makatulong sa kanilang Rebolusyon.
_______ 17. Ang unang mahabang tula ni Rizal sa wikang Tagalog ay ang kanyang Huling Pamamaalam.
_______ 18. Hindi natuloy na pakasalan ni Rizal si Josephine Bracken dahil matinding tumutol ang kuya niya.
_______ 19. Mga Amerikano ang unang nagpasya na dakilain ng mga Pilipino si Jose Rizal bilang huwaran.
_______ 20. Iisa lang dapat ang pambansang bayani ng isang bansa; at para sa mga Pilipino, iyon ay si Rizal.

B. ESSAY – 60% (choose two out of the essay questions below. For each of these, state your answer and the full explanation in the top half or the bottom half of the back of this sheet. 30% for each question chosen and answered is broken down as follows: 10% for effort (mainly the length of the answer); 10% for accuracy; and 10% depth of the answer.

1. Gawain natin na gawing lipás na ang kabluhang pulitikal ni Rizal sa kasaysayan ng Pilipinas.

2. Naging buhay ng paglilingkod sa kapwa ang naging buhay ni Rizal nang ipatapon siya sa Mindanaw.

3. May depinido na bang plano si Rizal ukol sa gobyernong itatayo nang umuwi siya sa Pilipinas?

4. “Tao lamang” si Rizal, kaya’t pinasok din siya ng pagkainip, ng takot, at pag-asam ng katanyagan.



NAME OF SIGNATURE::________________________________
E-MAIL ADDRESS____________________________ DATE:________________________

Thursday, January 13, 2011

Rizal-Module 12 Nananatiling Kabuluhan ni Rizal

Mga Tanong:
.
.....
1. Kinikilala pa ba sa ngayon ang mga aral mula kay Rizal bilang maspagkukunan ng matalinong mga kalutasan sa kasalukuyang mga problema ng ating lipunan?

.....
2. Aling mga pagbabago sa kalakaran ng ating buhay ang sa anyo lamang at aling mga pagbabago ang talagang makabuluhan?

.....
3. May katwiran ba si Rizal na sumulst din ukol sa sariling mga kahinaan ng ating mga kababayan sa kanyang panahon sa halip na puro ang mga Espanyol lamang ang pagbuntunan ng pagpuna at pagtuligsa?
.......
Gumaling na ba ang Kanser ng Lipunan?
.
.... . Isang makabayang manunulat, ang yumaong si Renato Constantino, ang minsang nagsabing "Our Tak is to Make Rizal Obsolete." Sa biglang tingin, isang pang-iinsulto ito sa alaala ng isa sa ating mga dakilang bayani, na binansagan pang "pambansang bayani" at itinuturing pang "Kristo ng mga Tagalog" ng ilang mga kulto.
.
....... Ngunit sa mas malalim na pag-aaral, ang isang bayani, laluna ang isang kritikong panlipunan na tulad ni Rizal na tumalakay sa "kanser" ng lipunang Pilipino noon pang kanyang panahon, at nag-alay ng buhay sa paglaban sa sakit na iyon upang umunlad at lumaya tayo bilang bansa, pinahahalagahan pala ni Ka Tato ang kabuuang malalaki at maliliit na sakripisyo ni Rizal kaya't sinabi niyang ang ninais ng bayani ay magtagumpay na rin sana, sa wakas, at di na kailanganin pang patuloy na ipaglaban, at kung gayo'y maituturing na lipás o "obsolete" na.

....... Sa nangyaring nagpapatuloy na kabuluhan sa kasalukuyan ng mga pagsusuri at pagnununyag ni Rizal sa kalakaran ng lipunan, napapatunayang walang gaanong naging epekto ang kanyang ginawang mapangahas na pagbubunyag at pagbatikos, kaya walang gaanong nabago sa kalakaran ng lipunan, at nananatiling makabuluhan ang kanyang mga pagsusuri.

.......
Ang mamatamisin sana ng isang mapagsuring bayani ay magwakas ang mga kaapihang tinuligsa niya at lingunin na lamang nating mga kasalukuyang salinlahi ang isang masamang nakaraan.
Ngunit nangyari na ngang nanatili at patuloy na dinaranas ng Pilipinas ang tinukoy ni Rizal na isang kanser ng lipunan, ang mas malungkot pa'y nilimot na ng lipunang Pilipino ang mga aral na ipinamana sa atin ni Rizal, na pinabayaran pa niya ng dugo.

....... Dahil sa napakaraming nagbago sa mga materyal na kasangkapan ng mga Pilipino at sa mga ugnayan at ugali natin sa paggamit ng mga ito, di natin makitang nananatili ang mga depektong tinukoy ni Rizal sa pagkatao at mga kahinaan ng ating mga kababayan, at inaakala na ng marami sa atin na lipás na nga ang kabuluhan ni Rizal sa ating buhay.

...... Tungkulin nating gawing lipás o "obsolete" ang mga aral na iniwan sa atin ni Rizal. Ngunit tungkulin nating gawin munang lipás o "obsolete" ang mga kalakaran at kalagayang kanyang binabatikos sa kanyang panahon.

Rizal-Module 6 Pagka-martir at Pagkabayani ni Rizal

Mga Tanong:
1, Ano ang matalas na pagkakaiba ng pagka-martir at ang pagkabayani ng isang tao?
2. Ilang ulit nagpakabayani si Rizal sa buong buhay niya?
3. Dahil ang pagpapasimuno sa pagbubuo ng bansa at pamumuno sa pagrerebolusyon ang pinakamalaking paglilingkod sa Inang Bayan nong mga panahong iyon, dapat na bang bale-walain ng mga Pilipino ang kabayanihan ni Rizal?
4, Dahil ba iprinoklama ng kolonyal na pamahalaang Amerikano sa Pilipinas na si Rizal ang ating nag-iisang pambansang bayani ay dapat na natin siyang tanggihan bilang isa sa ating mga tampok na bayani?
5. May epekto ba sa buhay mo at kamalayan ang mga napag-aralan mo ukol kay Rizal?

Pagka-martir ni Rizal:
.

.......
Kamatayan ni Rizal sa kamay ng kolonyal na pamahalaang Espanyol, na siyang nagpasya at nagsagawa, ang wastong ituring na pagka-martir niya, tulad ng ginawa sa tatlong paring Gom-Bur-Za. ng labintatlong mga taga-Cavite, at ilampung libo pang ibang mga Pilipinong walang-kalaban-labang winakasan ng buhay. Mga martir ding matatawag ang mga pinadaan sa malupit na pagpapahirap, matagal na pagkakakulong, pagpapatapon nang napakalayo sa kanilang mga mahal-sa-buhay, at iba pang pinalasap ng pamamarusang wala namang ginagawang pagkakasala sa ibinibintang sa kanila o napakagaan lamang ang bintang.
.
.......
Ang parusang kamatayan kay Rizal ay ipinasya ng gobyernong kolonyal sa loob ng iilang araw matapos siyang arestuhin pagdating sa Maynila. Nagtangka pa siyang magboluntaryong magsilbi bilang doktor sa hukbo ng Espanya sa Cuba, pero di ito umubra. Naglabas pa siya ng pahayag para distansyahan at kondenahin ang Rebolusyong 1896 na nagsimula noong Agosto at idinidiiin sa kanya, pero di rin ito umubra.
.
.......
Sa kabila ng pag-atake niya sa kanila, sinikap ng Katipunan na sagipin siya sa tiyak na kamatayan ngunit kinailangang pumayag siya rito. Tumanggi siya, sa dahilang wala raw siyang kasalanan sa Espanya. Sinabi rin niyang kung may mamamatay na isa man lamang Katipunero sa pagsagip sa kanya ay wala rin silang mapapala dahil isang buhay ang masasawi sa pagliligtas sa isa ring buhay, nagpapakitang pinahahalagahan niya ng buhay niyon bilang kapantay niya.

Pagkabayani ni Rizal:
.
.......
Hindi pagkamatay ni Rizal ang batayang tawagin natin siyang bayani. Ang pagbayani ay paglilingkod sa pamayanan nang walang hinihintay na kabayaran, at napakarami ang nagbabayani nang buhay pa. Ang pagsasakripisyo ni Rizal para sa pamayanang sambayanan ay di minsan lang, kundi sa buong buhay niya, mula pagkabata, at matitindi ito, gaya na nga ng pagkakakulong at pagkamatay niya.
.
.......
Ang nakakalungkot nga lamang ngayon ay di pa rin nakikilala ang kabayanihan ni Rizal sa maraming pagpapakasakit niya para sa Inang Bayan at ang nakikita lamang ng mga Pilipino ngayon ay ang pagkamatay niya nong Disyembre 30, 1896. Ang dahilan marahil ay ang naging epekto nito sa mga Pilipino-- lalo nilang pinag-ibayo ang pagrerebolusyong sinimulan noong Agosto 1896 hanggang manalo sa Kastila makalipas ang dalawang taon, panalong di inasahan ni Rizal, panalong inagaw ng mga Amerikano na nagsabing sila raw ang nakatalo sa mga Kastila.
.
.......
Isa pang malaking sakripisyo ni Rizal para sa Inang Bayan ay ang kanyang buong buhay na sinikap niyang maging mabuting halimbawa bilang marangal na tao na sukat igalang kahit ng mga kolonyal na mananakop at sukat tularan ng kanyang mga kababayan hanggang sa kasalukuyan.
.
.......
Iprinoklama ng kolonyal na gobyerno sa Pilipinas si Rizal bilang siyang nag-iisang pambansang bayani ng Pilipinas, ngunit ang unang pumili sa kanya upang ituring na huwarang bayani ng mga Pilipino, sa tunay na kahulugan ng katagang "bayani," ay si Bonifacio na nagtakda pa kay Rizal bilang "honorary president" ng Katipunan. May proklamasyon din si Heneral Aguinaldo kay Rizal bilang pambansang bayani noong unang anibersaryo ng pagbaril sa kanya sa Bagumbayan.

Pagtatatag ng Liga, Pagpapatapon sa Dapitan

Mga Tanong:
1, Bakit ang pagkilala sa sarili bilang sama-samang biktima ng kolonyalismo ay mahalagang unang hakbang sa pagkabansa?
2. Bakit nagmamalasakit kay Rizal ang mga Heswita?
3. Bakit nag-abala siyang gumanap bilang guro ng mga bata?
4. Sa pagtatanim niya at pangongolekta ng mga insektong pag-aaralan ng syensya, masasabi bang malapit sa kalikasan si Pepe?
5. Sa pagsisipag sa Dapitan, naipakita ba ni Rizal ang kanyang kabayanihan na walang kinalaman sa paglaban para sa bayan? Ipaliwanag.

Ang 'Liga' at ang Unang Hakbang sa Pagkabansa
.
.....Itinayo ni Rizal ang La Liga Filipina noong Hulyo 3, 1892, ilang araw pa lamang magmulang dumating siya sa Pilipinas mula sa Hongkong. May mga palatandaang sinimulan niya ang pagtatatag na ito bago pa siya nakatuntong sa piyer ng Maynila. Isa rito ay isang "Konstitusyon ng Liga na ayon sa pagsusuri ay lumilitaw na sa Hongkong pa niya ginawa.
.
.....Dalawang bagay ang napakahalagang pagtuunan natin ng pansin ukol sa Liga:
.
.....Una, nilayon itong magkaroon ng kasangkapan para mabuo ang panimulang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pag-aaral at aplikasyon ng mga reporma. Babago-bago pa lamang nagkakaugnayan ang mga Pilipinong nagmumula sa iba-ibang probinsya nang sumigla ang komersyong pang-kapuluan at bumilis ang paglalakbay sa pagi-pagitan ng mga pulo; kaya't minarapat ni Rizal na magkakilalanan agad ang mga Pilipino bilang kapwa mga katutubo ng kapuluan na nakikipag-ugnayan sa mga dayuhan at may magkakahawig na kalagayan at mithiin. Batayan ito ng kinakailangang matutunan ng mga katutubo upang magbuo ng bansa-- ang pakikipag-kapwa.
.
.....Pangalawa, sa "Konstitusyon" ay itinatakda ang sistema ng pamahalaan na nakabase sa mga lokalidad at mga pamunuan ng mga ito. (Halimbawa, halal na mga alkalde ng bayan-bayan ang maghahalal mula sa kanilang hanay ng magiging governador ng probinsya.) Malinaw na ang pamahalaang ganito ay may mandatong nagmumula sa mga mamamayan at hindi kanino pa mang makapangyarihang hari ng ibang bayan.

Dapitan at Bayaning Paghuhubog ng Pagka-mamamayan
.
.....Matapos arestuhin ang mga sumapi sa Liga, si Rizal na ang inaresto at itinakdang ipatapon sa Espanya. Nakiusap ang mga paring Heswita na sa Zamboanga na lang siya ipatapon, partikular sa bayan ng Dapitan kung saan mayroon silang malaking lupain. Sa pagkakapatapon kay Rizal sa Dapitan, mahigpit na binantayan ang kanyang mga kilos para huwag na siyang muling makisangkot sa pulitika, At binabasa ng kanyang Kastilang bantay ang kanyang mga liham.
.
.....Kayat nakita niyang di siya makakapag-aktibo sa mga gawain para sa kaagad na pagpapalaya sa Pilipinas mula sa kolonyal na paghahari dito ng Espanya. Kaya't itinakda na lamang niya na magpakasipag pa rin ngunit para sa pangmalaunang paghahanda ng mga mamamayan para maging lalong karapatdapat at handang-handa na para sa inaasam na paglaya.
.
.....Kaya't siya'y nagpasyang maging maalam at kapaki-pakinabang na mamamayan sa iba't ibang larangan:.
.....
Bilang manggagamot: Itinuloy niya ang kanyang propesyon na sinimulan sa Hongkong; nanggamot siya nang libre o kaya'y tumanggap ng mga produkto ng bukid bilang bayad..
.....
Bilang guro ng mga bata: May ilang batang lalaki na regular niyang tinuruan ng pagbabasa, pagsusulat, aritmetika, kabutihang-asal, kalinisan at kalusugan, at pagtatanggol-sa-sarili. Ang kanilang mga klase ay idinaos sa lilim ng mga puno..
.....
Bilang magsasaka: Nakapanalo siya sa lokal na lotto ng munting halagang ibinili niya ng lupa at siya ay nagsaka siya ng mga gulay at ng mga puno ng mga prutas,.
.....
Bilang arkitekto at karpintero: Nagdeisenyo siya at nagtayo ng sariling bahay na mayroon pang dagdag na bahay-pahingahan.
.....
Bilang alagad ng sining: Ipinagpatuloy niya ang pagdodrowing na sinimulan niya sa Europa, at kabilang sa mga idrinowing niya ay ang kanyang bahay-pahingahan. .
.....
Bilang alagad ng agham: Nangulekta siya ng mga specimen ng di niya kilalang mga insekto at iba pang mga maliliit na hayop at ipinadala niya ang mga ito sa mga kaibigan niyang scientist sa Europa. Kinilala nilang bagong-tuklas ang ilan at mayroon pang ipinangalan sa kanya..
.....
Bilang inhinyero: Nagdisensyo siya ng isang sistema ng pag-iimbak at paghahatid ng tubig sa bahay-bahay na ang gamit ay mga pipang kawayan na pinagdugtung-dugtong ng karburo..
.....
Bilang organisador: Inorganisa niya ang mga tao para sa paraang bayanihan ay itayo ang sistemang patubig ng Dapitan..
.....
.....Sa sipag niya, minahal siya ng pamayanan sa Dapitan at ihinatid nila siya sa aplaya nang sunduin na siya ng kolonyal na gobyerno para ibalik at litisin sa Maynila.

Friday, January 7, 2011

Rizal Life & Works Modules

RIZAL LIFE & WORKS MODULES

12 Modules (links to individual module blogs embedded here)

A. Buhay ni Rizal

Module 1: Mag-anak at Pagsilang click here

Module 2: Pagkabata: Karaniwan o Naiba? click here

Module 3: Pagbibinata at Pag-aaral click here

Module 4: Europa: Kambal-Layunin at Kambal-Mensahe click here

Module 5: Pagtatatag ng Liga, Pagpatapon sa Dapitan click here

Module 6: Pagka-martir at Pagkabayani ni Rizal click here

B. Mga Isinulat ni Rizal
Module 7: Paglingon sa Noli Me Tangere click here

Module 8: Paglingon sa El Filibusterismo click here

Module 9: Pagtanaw sa Sansiglong Hinaharap click here

Module 10: Paghuhusga Niya: Katamaran Nga Ba? click here

Module 11: Mga Liham at Panulaang Rizal click here

Module 12: Nananatiling Kabuluhan ni Rizal click here

Rizal-Module-10 Katamaran daw ng mga Pilipino?

Mga Tanong (Sagutin matapos mabasa ang module input):

  1. Anu-anong anggulo ang tinalakay ni Rizal ukol sa bintang ng mga Espanyol na tamad raw ang mga Pilipino?
  2. Sa pagtalakay ni Rizal sa usaping ito, maisasagot ba ng mga Espanyol na “Syempre, ipagtatanggol ni Rizal ang mga kababayan niya sa anumang ipintas natin sa kanila!” dahil isang Indio nga siya?
  3. Anong datos ang ibinigay ni Rizal ukol sa progresong dinala ng pagsakop ng Kahariang Kastila sa kapuluang Pilipinas?
  4. Paanong pinatunayan ng sanaysay ni Rizal na matapat ang mga Pilipino sa pakikipagkalakalan sa mga tagaibang-bayan?
  5. Paano mong ilalapat sa kasalukuyan ang obserbasyong “tamad” ang mga Pinoy?

Datos sa Publikasyon at Nilalaman ng Sanaysay na “On the Indolence of the Filipinos”:

Inilathala sa La Solidaridad mula Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890 sinagot ng isang sanaysay na isinaaklat noong 2007 bilang On the Altered Indolence of the Filipinos na ukol naman sa bagong bintang: corruption.

Pagbabasa ng Teksto ng buong Sanaysay na “Indolence”:

Paglaanan ng ilang oras na mabasa ang buong teksto ng “On the Indolence of the Filipinos” sa wikang English, na nasa

http://joserizal.info/Writings/Other/indolence.htm


Rizal-Module-9 Sansiglong Hinaharap

Mga Tanong (Sagutin matapos mabasa ang module input):
1. Ano ang pangkasaysayang konteksto ng petsa ng pagkakasulat ni Rizal sa sanaysay na ito?
2. Karamihan ba ng mga predictions ni Rizal ay natuloy/nagkatotoo?
3. Ipinapanakot ni Rizal sa pamahalaang Espanyol ang marahas na paghihimagsik ng mga Pilipino; pinaniwalaan na niya, at nangyari nga ba, na kayang matalo ng mga Pilipino sa madugong labanan ang hukbo ng Espanya sa ating kapuluan?
4. Paano pinahalagahan ni Rizal ang kalayaan sa pamamahayag sa sanaysay na ito?
5. Ang mga reporma bang iginigiit ni Rizal sa kanyang sanaysay ay may katuturan pang igiit sa pamahalaan ng Pilipinas sa ngayon?

Datos sa Publikasyon at Nilalaman ng Sanaysay: Inilathala ito sa La Solidaridad sa Espanya mula noong Setyembre 1889 hanggang Pebrero 1990 (huling labas noong Pebrero 1, 1890; ang sagot dito ni Prop. Ed Aurelio C. Reyes, na pinamagatang The Philippines, A Century Thence, ay inilunsad sa Maynila noong Pebrero 1, 1990 o eksaktong 100 taon.)

Ang Tunay na Pamagat nito ay “Filipinas Dentro de Cien Años.” Ang tamang salin sa English ng pamagat na iyon sa Espanyol ay “The Philippines, Within a Century”), ngunit ang naging mas laganap na pamagat ng salin sa English ay “The Philippines, A Century Hence.”

Pagbabasa ng Teksto ng buong Sanaysay na “Century Hence”
Paglaanan ng ilang oras, maaaring sa hiwa-hiwalay na araw, na mabasa ang buong teksto ng “The Philippines, A Century Hence” sa wikang English, na nasa http://joserizal.info/Writings/Other/centuryhence.htm.

Rizal-Module-8 Paglingon sa 'El Filibusterismo'

Mga Tanong:

  1. Bakit hindi masasabing ang Fili ay tahasang pananawagan ni Rizal na mag-alsa na sa marahas na pagrerebolusyon ang mga Pilipinong kanyang kapanahon?
  2. Saan nagkulang si Simoun kaya't nabigo ang kanyang mga binalak?
  3. Bakit nabigo si Simoun sa inaasahan sana niyang ikikilos sana ni Basilio at kapwa nitong mga kabataan?

Buod ng Nobela:

MAIKLING KABUUANG BUOD NG EL FILIBUSTERISMO:

Ang Fili ay nagsisismula sa isang paglalakbay ng bapor na Tabo sa pagitan ng Maynila at Laguna. Kabilang sa mga pasahero ang mag-aalahas at nagbabalatkayong si Simoun na dili iba't si Ibarra, ang makatang si Isagani, at si Basilio. Itong huli, na ngayo'y binata na. Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Elias at si Sisa.

Nakarating si Basilio sa San Diego at sa isang makasaysayang pagkakataon ay nakatagpo ni Simoun sa pagdalaw niya sa pinaglibingan sa kanyang ina sa loob ng libingan ng mga Ibarra. Nakilala niyang si Simoun ay si Ibarra na nagbabalatkayo; at upang ang ganitong lihim ay huwag mabunyag, ay tinangka ni Simoun na patayin si Basilio. Datapwa't nakapaghunos-dili siya at sa halip ay hinikayat na lang ang binata na makiisa sa kanyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Si Basilio ay tumanggi dahil sa ibig niyang matapos ang kanyang pag-aaral.

Habang ang Kapitan Henereal ay nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga estudyanteng Pilipino ay naghain ng isang kahilingan sa hari ng Espanya upang payagang makapagtatag sila ng isang Akademya ng Wikang Kastila. Ang kahilingang ito ay napagtibay, ngunit hindi ayon sa nais ng mga estudyante, sapagka't napag-alamang ang mamamanihala sa akademyang ito ay mga prayle (samahan ng pananampalataya), samantalang ang mga estudyante ay magiging mga kolektor lamang. Sa gayon, sila'y di magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamalakad ng nasabing akademya.

Samantalang nangyayari ito, si Simuon ay nakipagkita kay Basilio at muling hinikayat ang binatang umanib sa binabalak niyang paghihimagsik at mangulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Subali't hindi naibunsod ang ganito dahil sa si Maria Clara'y namatay na nang hapong yaon.

Ang mga estudyante naman, upang mapapaglubag ang kanilang sama ng loob ukol sa kabiguang natamo sa pagtatatag ng akademya ng Wikang Kastila, ay nagdaos ng isang salu-salo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Sa mga talumpating binigkas habang sila'y nagsisikain ay tahasang tinuligsa nila ang mga prayle. Ang pagtuligsang ito ay nalaman ng mga prayle kaya ganito ang nangyari: Kinabukasan ay natagpuan na lamang sa mga pinto ng unibersidad ang mga paskin na ang nilalaman ay mga pagbabala, pagtuligsa, at paghihimagsik. Ang pagdidikit ng mga pasking ito ay ibinintang sa mga kasapi ng kapisanan ng mga estudyante. Dahil dito ay ipinadakip sila at nadamay si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang malabis ni Juli na kanyang kasintahan.

Sapagka't ang mga estudyanteng ito ay may mga kamag-anak na lumakad sa kanila upang mapawalang-sala, kaya't sila'y nakalaya, maliban kay Basilio na walang makapamagitan ng kanyang karukhaan at pagkamatay ni Kapitan Tiyago. Sa isang dako naman ay ipinamanhik ni Juli kay Pari Camorra na tulungan siya upang mapalaya si Basilio nguni't sa halip na makatulong ang paring ito ay siya pang naging dahilan ng pagkamatay ni Juli, gawa ng pagkalundag nito sa durungawan ng kumbento.

Upang maisagawa ni Simoun ang kanyang balak na paghihiganti, ay nakipagsama siya sa negosyo kay Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Sa ganitong paraan ay nagawa niyang maipagkasundo ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ang magiging ninong sa kasal ay ang Kapitan Heneral. Naanyayahan din niya upang dumalo sa piging na idaraos upang ipagdiwang ang kasal, ang mga may matatas na katungkulan sa Pamahalaan at mga litaw na tao sa lunsod.

Pagkaraan ng dalawang buwang pagkapiit ay nakalaya rin si Basilio sa tulong ni Simoun. Kaagad siyang nagtungo kay Simoun upang umanib sa paghihimagsik na nauumang. Sinamantala ni Simoun ang ganitong pagkakataon upang ipakita si binata ang bombang kanyang niyari. Ito ay isang lampara na may hugis-granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ang magarang ilawang ito ay siya niyang handog sa mga ikakasal na sina Juanito at Paulita.

Ipalalagay ni Simoun ang lamparang ito sa gitna ng isang kiyoskong kakainan na ipasasadya niya ang pagkakayari. Ang ilawan ay ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag hinagad na itaas ang mitsa upang paliwanagin, ay puputok ang isang kapsulang fulminato de mercurio, ang Granada ay sasabog at kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan --- at walang sinumang maliligtas sa mga naroroon.

Sa isang dako naman, ay malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay siyang magiging hudyat upang simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun.

Ngunit hindi naisakatuparan ang balak na iyon, dahil di natiis ni Basilio na mapahamak ang kaibigang si Isagani at sinabihan niya ito na lumayo dahil sa napipintong pagsabog. Di naman natiis ni Isagani na mapahamak sa pagsabog ang minamahal na si Paulita at tinakbo niyang maitapon sa ilog ang lampara nang ang apoy sa mitsa nito’y lumalamlam na. At si Simoun ay nagpasya nang tumakas ngunit pinaputukan ng mga guardia civil, tinamaan, at gugatang naglakbay hanggang sa probinsyang luklukan ni Padre Florentino kung saan siya ay namatay. Bago namatay ay ikinumpisal niya ang kanyang mga naging hakbang at nakipagtalakayan sa pari kung wala na nga bang kalutasan ang kalagayang kinasadlakan ng Pilipinas.

Nang patay na si Simoun, ang kanyang baul ng mga alahas ay itinapon ng pari sa katabing dagat na malalim upang di na raw magamit sa kasamaan, at lilitaw na lamang daw kung handa na ang mga Pilipino na gamitin ang kayamanang iyon para sa kanilang pag-unlad bilang bayan.

Rizal-Module-7 Paglingon sa 'Noli Me Tangere'

Mga Tanong:

  1. Bakit tinatawag na “panlipunang kanser” ang mga ibinubunyag sa Noli?
  2. Bakit masasabing ang Noli ay maaaring ituring na aklat pangkasaysayan ng mga kasalukuyang Pilipino?
  3. Ginamit ng Kolonyal na paghaharing Kastila sa Pilipinas ang relihiyon at ang pagkasilaw ng ating mga ninuno sa anumang maituturing nilang banal; dahilan kaya ito kaya pinuruhan ni Rizal sa Noli ang mga kasalanan ng mga prayle, pati na ang kanilang pagkahayok sa laman?

Buod ng Nobela:

Matapos mag-aral sa Europa, umuwi si Juan Crisostomo Ibarra sa bayan ng San Diego na iniwan niya nang pitong taon. Bago nakarating si Ibarra sa San Diego na nasa Laguna, my isang Tenyente Guevarra ng guardia sibil nagkwento sa kanya ng mga insidenteng nauna sa pagkamatay ng kanyang amang si Don Rafael Ibarra, isang mayamang asendero. Ayon sa tenyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso na heretiko at pilibustero daw, dahil hindi nagsisimba at di rin lumalahok sa mga sakramento. Lumubha pa ang hidwaan nang mamagitan si Don Rafael sa isang away sa pagitan ng isang kolektor ng buwis at isang bata, at ang pagkamatay ng kolektor, na isang aksidente ay isinmisi pa rin kay Don Rafael. Pinarami at pinalitaw ni Padre Damaso ang lahat ng mga may reklamo laban kay Don Rafael, at siya’y ipinakulong. Nang malapit na sanang maayos ang lahat, siya’y biglang nagkasakit at namatay sa kulungan. Inilibing sa sementeryong Katoloko, ang bangkay ay ipinalipat sa libingan ng mga Intsik. Gabi at umuulan nang isagawa ang iniutos na paglipat, kaya’t para makaiwas na mahirapan ay nagpasya ang mga nagbubuhat na itapon na lang sa lawa ang naagnas nang bangkay.

Pagdating sa San Diego, binisita ni Ibarra si Pilosopong Tasyo para hingan ng payo ukol sa kanyang planong magtayo ng paaralan doon. Nadatnan niya itong nagsusulat ng ayaw niyang ipabasa at di raw iniuukol sa kanilang mga kapanahon. Para daw iyon sa hinaharap pa, kapag makakaya nang maunawan ng mga tao. Sinabi ni Tasyo ang mga katagang ito: “Hindi lahat ay natutulog o nagtutulug-tulugan sa madidilim na gabi ng ating bayan.”

Sa pagdating na iyon ni Ibarra sa San Diego, naghandog ng isang piging o salu-salo para sa kanya si Don Santiago de los Santos (Kapitang Tiago) at inimbita ang malalaking tao, kabilang ang dating kura-paroko na si Padre Damaso, na bumanggit naman ng pananalitang insulto kay Ibarra. Hindi iyon sinagot ni Ibarra at ipinasya niyang umalis na lamang.

Kinabukasan, binisita ni Ibarra ang kasintahang si Maria Clara, kilalang magandang anak ni Kapitang Tiago, mayamang taga-Binondo. Wala naman sa isip ni Ibarra ang paghihiganti. Ang ninanais lang niya noon ay ituloy ang pagtatayo ng iskwelahang binalak itayo ng kanyang ama, sa paniniwalang edukasyon ang magdudulot ng pag-unlad sa Pilipinas ns maging isang bansa. Sa pasinaya sa pagsisimula ng konstruksyon ng eskwelahan, may nagtangkang pumatay kay Ibarra, ngunit iniligtas siya ng misteryosong lalaking si Elias, na una’y nagbabala sa kanya ukol sa planong pagpaatay sa kanya. Sa nangyari, ang papatay sana ang namatay sa isang aksidente doon. Sa tensyon ng mga pangyayari ay nadismaya at nagkasakit nang malubha si Maria Clara at mabuti na lang at napagaling din ng gamot na ipinadala ni Ibarra.

Matapos ang seremonya, nagpakain ng tanghalian si Ibarra at walang-pahintulot na dumalo si Padre Damaso. Nang-insultong muli ang pari, pero ngayo’y di na lamang si Ibarra ang ininsulto niya kundi pati ang ama nito. Di na nakapagpigil si Ibarra at sinunggaban si Damaso at inaambaan ito ng saksak. Napigil namang maituloy ito, at gumanti ang pari sa pamamagitan ng ekskomunikasyon o pagtitiwalag kay Ibarra sa Simbahan, para hindi na rin maipagpatuloy ang relasyon at pag-aasawa nito kay Maria Clara. Ang gusto kasi ni Damaso ay makasal ang dalaga sa Kastilang nagngangalang Linares na kararating lang mula sa Espanya.

Sa tulong ng Kapitan-Heneral, napawalang-bisa ang ekskomunikasyon kay Ibarra at ipinasya ng Arsobispo na muli siyang tanggapin sa Simbahan. Pagkatapos ay pinagbintangan siyang muli sa isang insidenteng wala siyang nalalaman, at inaresto siya’t ikinulong, ngunit napawalang-bisa ang bintang dahil walang makapagtestigong talaga nga siyang nasasangkot sa kaso. Sa kasamaang-palad ang liham niya kay Maria Clara ay napakasakamay ng mga hukom at minaniobra ng kura parokong si Padre Salvi upang maging ebidensya laban sa kanya. Naipakitang kahit mahina sa kaanyuan, si Padre Salvi ang pinakatuso at imbing tauhan sa nobelang ito. Ipinahamak niya si Ibarra, at sinira ang pagkatao nito para di makasal kay Maria Clara na matagal na palang pinagnanasaan ng pari.

Samantala, sa tahanan ni Kapitan Tiago ay may isang salu-salo upang ipahayag ang nalalapit ni Maria Clara kay Linares. Sa tulong ni Elias, tumakas ng piitan si Ibarra. Bago umalis, kinausap ni Ibarra si Maria Clara at ipinamukhang kataksilan ang ginawa nitong pagbibigy kay Padre Salvi ng liham ni Ibarra sa dalaga. Ipinaliwanag naman ni Maria Clara na naobliga siyang ibigay ang liham kapalit ng mga liham ng kanyang ina kay Padre Damaso bago pa siya isilang. Tinutukoy sa mga liham ang tungkol sa sanggol nilang dalawa (ng sumusulat at sinusulatan) na isisilang pa lamang, si Maria Clara!

Pagkatapos, sumakay ng bangka sina Ibarra at Elias. Pinadapa ni Elias si Ibarra, at tinakpan siya ng mga dayami para huwag makita ng mgs humahabol sa kanila. Ngunit nakita pa rin sila ng mga ito at pinaputukan. Naisip ni Elias na tumalon sa tubig, at siya ang pinagtuunan ng putok, akala ng mga humahabol ay si Ibarra ang tumalon sa tubig.

Nalungkot nang labis si Maria Clara sa pag-aakalang napatay si Ibarra sa putukang iyon. Pinuntahan niya si Padre Damaso at hiniling na ikulong na lamang siya sa kumbento ng mga madre. Nagbanta siyang magpapakamatay kung di susundin ang kahilingan, kaya’t pumayag na rin si Damaso. Walang kamalay-malay si Maria Clara na buhay pa si Ibarra.

Si Elias pala ang napuruhan ng mga bala. Bisperas na ng Pasko nang magising siya sa gubat, na naliligo sa dugo. Dito niya sinabihan si Ibarra na magtuloy para magkita silang muli. Ang natagpuan niya doon ay ang batang sakristang si Basilio, kalung-kalong ang walang buhay na inang si Sisa. Nabaliw si Sisa nang malamang ang batang anak niya ay itinaboy sa simbahan matapos bugbugin ng sakristan mayor nang matindi ang mas bata sa kanila, si Crispin, na ikinamatay nito. Una’y pinagbintangan si Crispin ng pagnanakaw ng mga kayamanan ng simbahan (na sa totoo ay ang sakristan mayor mismo ang nagnakaw). Pinagtulungan nina Elias at Basilio na mailibing si Sisa.

Matapos ito, nakahiga na’t nalalapit sa pagkamatay si Elias at nagpahayag kay Basilio. Sinabi niya rito na ipagpatuloy ang pangangarap na lalaya ang mga Pilipino. Ani Elias: “Mamamatay akong di nakikita ang bukang-liwayway ng kalayaan sa aking bayan. Kayong mga makakakita, batiin n’yo siya at pagpugayan! Huwag n’yo lamang kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!” At siya’y namatay.

Sa epilogo, sinabing si Kapitang Tiyago ay natuluyang maging adik sa opyo at madalas sa opium house sa Binondo. Naging madre si Maria Clara sa kumbento at madalas siyang pinunupuntahan doon ni Padre Salvi. May usap-usapang lumaganap na “ginagamit” siya ng pari para sa pagnanasa ng huli.

-o0o-

Rizal-Module-4 Europa: Kambal-Layunin, at Kambal-Mensahe

Mga Tanong:
1. Anu-ano ang dalawang layunin ni Pepe Rizal sa pagtungo niya sa Europa?
2. Ano ang naging motibo niya sa pag-aaral nang mabuti?
3. Ano ang pinakasukatan niya sa mahusay na pagtuturo?
4. Sa palagay mo ba’y tama lang ang pagkakatakda sa kambal na mensahe? Bakit?

Babasahin:
Kabuluhan ng Pag-aaral tungo sa Mahusay na Paglilingkod
Ang pag-aaral para maging mahusay na manggagamot ay hindi ginusto ni Rizal na iasa sa mga natutunan lang niya sa pre-med niya sa UST, dahil sa tingin nga niya’y mababang uri ng pag-aaral ang nakabatay lang sa pagmememorya at disiplina at walang paggamit ng angkop na mga kasangkapan gaya ng microscope at wala ring malayang mga talakayang naranasan niya sa sistema ng mga Heswita sa Ateneo. Pinili niyang sa Germany pangunahing mag-aral ng medisina.

Pero nagtungo rin siya sa Espanya, dahil doon niya nakitang may magagawa para sa kapakanan ng Pilipinas na noo’y isang ganap na kolonya nito. Kaya sa Germany at Espanya tumagal si Rizal sa haba ng pamamalagi niya sa Europa. Pumunta rin siya sa France, England, at Belgium. Sa Germany at Espanya niya pangunahing sinikap na maisulong ang kambal na layunin ng kanyang pangingibang-bansa: Una, tapusin ang pag-aaral niya para maging ganap nang doktor sa mga mata, upang magamot niya ang kanyang ina; at, pangalawa, gawin ang magagawa upang isulong ang kapakanan ng Pilipinas sa pamamagitan ng maipapalaganap niyang mga mensahe ukol sa ating kapuluang isang kolonya nila.

Kambal din ang mga mensaheng ito: una, ang tunay na galing at dangal ng mga katutubong naninirahan sa Pilipinas, na may naabot nang mataas na antas ng sibilisasyon nang datnan ng mga Kastila; pangalawa, ang mga pang-aabuso at pang-aaping ginagawa rito ng mga prayle, mga opisyal, at mga kawaning ipinapadala rito Espanya. Malinaw at mas madaling gawin ang unang mensahe.

Nang matuklasan niya ang aklat ni Antonio Morga ukol mismo sa Pilipinas, nakita niyang marami sa sinasabi ay tama, pero mayroon ding mga mali, Kaya pinagtiyagaan niyang kopyahin sa sulat-kamay ang buong aklat at ito’y malalimang sinuri, at ang nagawa niya’y isang libro din na pinamagatang Annotating Morga, kanya rin naipalathala at naging bantog na akdang ping-aralan ng mga iskolar at akademiko sa buong Europa. Sunulat din siya ng mga artikulo sa mga lathalaing Espanyol at sa sariling pahayagan ng mga Pilipinong bumubuo ng Kilusang Propaganda, ang La Solidaridad.

Nagkaproblema nang pagsabayin ni Pepe Rizal sa iisang okasyon ang dalawang mensahe: Sa mensahe pa ring “magaling ang mga Pilipino,” tuwang-tuwa siyang nakahanap ng okasyon para ibandila ito—nang magkamit ng unang dalawang pangunahing gantimpala sa International Painting Contest sa Madrid ang parehong Pilipino—sina Juan Luna at Felix Hidalgo. Sa kanyang kagalakan, minarapat niyang magtalumpati sa testimonial dinner para sa dalawang pintor, na dinaluhan pa ng meyor mismo ng Madrid. Nang purihin niya ang dalawa at ipagdiinan ang implikasyon ng kanilang panalo, nagbunyi ang lahat.

Ngunit nang ituloy niya ang kanyang talumpati sa pangalawang mensahe, napikon agad at matinding nagalit ang mga Kastilang nakarinig at ang pagdiriwang ay napalitan ng tensyon. Iyon na ang naging paksa ng mga usap-usapang umabot sa pinakamatataas na opisyal ng Espanya, umabot pa sa Maynila, at umabot pa rin sa Calamba. Iisang kongklusyon ang lumaganap—“Mapanganib at kaaway ng Espanya si Jose Rizal!”

Isang palatandaan ng tagumpay nina Rizal sa Kilusang Propaganda nila sa Europa ay ang pagkampi sa kanila ng isang prestihiyosong Austriyanong si Ferdinand Blumentritt na hanggangg dulo’y naging matalik na kaibigan at kasulatan ni Rizal saanman siya napunta. Naging matagumpay na mga sulatin din nila ang mga artikulo ng pahayagang La Solidaridad, at mga nobelang Noli at Fili. Dala ng bawat isa sa mga ito ang isa man lamang sa kambal na mensahe. Si Marcelo H. del Pilar ang may pinakamaraming isinulat na artikulo sa mga lathalaing ito. Naging katuwang at naging karibal din siya ni Rizal sa pamumuno sa grupo ng mga Pilipino sa Europa.

Rizal-Module-3 Pagbibinata at Pag-aaral

Mga Tanong:
1. Sa aling mga paaralan nag-aral si Rizal sa kanyang pagbibinata?
2. Ano ang naging motibo niya sa pag-aaral nang mabuti?
3. Ano ang pinakasukatan niya sa mahusay na pagtuturo?

Babasahin: Kabuluhan ng Pag-aaral tungo sa Mahusay na Paglilingkod
Ang pag-aaral sa antas na primarya (una hanggang ikaapat na baytang) sa elementarya ay nakuha ni Pepe Rizal sa kanyang sariling ina na siyang tumayo bilang pinakaguro niya. Ang katumbas naman ng antas na intermedya (ika-5 at ika-6 na baytang) ay kinuha niya sa paaralan ng niyang tiyo sa kalapit-bayang Biñan, sakop pa rin ng lalawigang Laguna. Para makapag-aral ng katumbas ng high school natin ngayon, lumipat siya mula sa Laguna patungong Intramuros, Maynila na kinaroroonan ng Ateneo Municipal, isang paaralan ng mga paring Heswita.

Naging kagustuhan ni Pepe ang mag-aral upang matutunan niya sa paglaon ang panggagamot sa mga mata ng kanyang ina, na noo’y nasa pangsnib na mabulag. Sa kagustuhsn niyang maging mahusay na tagapaglingkod sa pamamagitan ng panggagamot, ipinasya ni Pere Rizal na magsipag at magpakahusay sa pag-aaral, bagay na nagustuhsn naman sa kanya ng mga Heswita, na may kahawig na pananaw sa pag-aaral (para matutong talaga at maging mahusay sa paglilingkod. Naging istilo ng mga ito sa pagtuturo ang pagsusulong ng malayang talakayan.. Kaya sa Ateneo ay naging kaibigan ni Pepe ang mga guro niyang Heswita.

Ibang-iba naman ang naging karanasan ni Pepe nang magkolehiyo siya sa Universided de Sto. Tomas. Ang paraan ng pagtuturo sa UST ay nakasentro sa pagmememorya at pagpapairal ng istriktong disiplina.

Sa UST, ang mga paring Dominikano, bilang mga guro ay may paggigiiit na sila lamang ang tama. Walang malayang mga talakayan at pati ang pagkakaroon ng mga instrumentong gaya ng microscope ay pakitang-tao lang at di ipinagamit sa mga mag-aaral. Dahil sa mga kadahilananag ito, hindi nagustuhan ni Pepe Rizal ang pag-aaral niya sa UST, at siya naman ay kanilang pinag-initan.

Ukol naman sa binatilyong si Pepe at ang karanasan sa pag-ibig, naging una niyang pag-ibig si Segundina Katigbak, kaedad siya at may namuong pag-uugnayang “m.u.” sa pagitan nila. Ngunit naipagkasundo na ng mga magulang si Segundina na ipapakasal sa isang mayaman pagdating ng hustong gulang. Ipinasya naman ng dalagita na suwayin ang kasunduan at nagsagawa siya ng pakikipagkalas sa lalaking ipinagkasundo na sa kanya.

Hindi sumang-ayon si Pepe sa ginawang ito ni Segunda dahil pagsuway daw ang ganoon sa magulang at lipunan, kaya’t kahit malaya na ang dalagita ay hindi niya tuluyan itong niligawan. May isa pang pag-ibig sa buhay ni Pepe Rizal sa pananhong iyon.

Nagkagustuhan sila ng isa niyang malayong pinsan na nagngangalang Leonor Rivera. Kahit malapit sila kay Pepe, sa pag-isip na kasalanan ang anumang pag-iibigan ng sinumang magkakamag-anak, kahit malayo na, hinadlangan nila ang pag-uugnayan nina Pepe at Leonor. Kinasapakat pa ng ina ni Leonor ang tagapangasiwa ng koreo sa kanilang bayan upang siya (ang ina) ang makakuha ng anumang liham sa pagitan ni Pepe at Leonor. Paglaon ay sumulat ng mga nobela di Rizal, at ang pangunahing tauhang si Maria Clara ay ibinatay niya sa pagkatao ni Leonor Rivera. Paglaon pa, ipinagkasundo ng ina ni Leonor na maipakasal sa isang dayuhang inhinyero.

Matapos ng pag-aaral sa UST, nagpasya si Rizal na upang maging mahusay na doktor ay kailangn niyang mag-aral sa Europa. Pumayag rito ang kanyang Kuya Paciano ngunit naggiit ito kay Pepe ng isang kasunduang nagsasabing magtutuon sa pag-aaral at pagtataguyod sa interes ng Pilipinas at hindi siya maaaring mag-asawa.

Sumang-ayon sa ganoong ksdunduan si Pepe at biglaang nilalayuan ang mga babaeng napalapit sa kanya sa Europa. Kahit maraming dalaga ang mga napalapit sa kanya at nakagustuhan niya, dahil sa kasunduan ay di niya pinaabot ang mga relasyong ito sa pagtagal at sa pag-aasawa.

Rizal-Module-2 Pagkabata: Karaniwan o Naiiba?

Mga Tanong:
1. Ilang kwento tungkol sa pagkabata ni Rizal ang iyo nang narinig o nabasa?
Sa karamihan ba sa mga ito’y ipinakikitang si Rizal ay ibang-iba mula noong siya ay bata pa?
2. Ang pagkabayani ba ng isang tao ay dapat masimulan na sa kamusmusan niya?
3. Ibig bang sabihi’y wala nang pag-asang maging bayani ang mga batang baluktot?

Pambungad: MAY ANIM NA KUWENTONG MADALAS NA NAISASAMA KAPAG PINAG-AARALAN ANG PAGKABATA NI RIZAL.

Hindi naman nakabatay sa mga dokumentong pangkasaysayan ang bawat isa sa mga ito, ngunit hindi rin naman sila napapatunayang haka-haka o kaya’y inimbento lamang. May mahalagang mga aral ang bawat isa, na maaaring talakayin di man mapatunayang ang kuwento mismo ay totoo. Ang anim na kuwento ay narito…

A. Gamu-gamo at ang Lampara

Binabasahan ng kanyang ina ang batang si Pepe Rizal ng mga kwento mula sa aklat na Kaibigan ng mga Bata, at ang binabasa noon ay ang tungkol sa batang gamu-gamo na naakit sa ganda ng poy sa lampara at lumipad nang masyadong malapit sa maliwanag na apoy. Nagbabala sa anak ang inang gamu-gamo na huwag itong lalapit nang gaano sa napakainit na apoy ngunit hindi siya sinunod nito, hanggang sa madrang sa apoy ang kanyang munting mga pakpak at sa pagliyab ng mga ito, siya aynasunog rin at tuluyang namatay. Karaniwang bata ba siya o sadyang ibang-iba sa ibang bata sa kuwentong ito? Ipaliwanag nang lubusan ang iyong kasagutan.

B. Mga Tsinelas sa Ilog
Minsa’y naglalakbay si Pepe at bumabaybay sa Ilog Pasig ang sinssakyan niyang malaking bangka. Bigla na lamang nahulog sa tubig ang isa sa suot niyang mga tsinelas at mabilis na tinangay ng agos papalayo sa sasakyan. Sa halip na umiyak at ipakuha ang nahulog na tsinelas sa mga kasama niya sa bangka, kinuha niya ang isa pang tsinelas mula sa kanyang paa, at ihinagis ito upang makaabot sa kaparis na unang nahulog. Tinsnong siya ng mga nakakita kung bakit niya ginawa iyon. Paliwanag niya: Kung may makapulot ng iisang tsinelas na nahulog niya ay di ito mapapakinabangan dahil wala itong kaparis. Wala na ring silbi ang iisang tsinelas na naiwan sa kanya. Kaya napinagsama ang dalawa para may pakinabang sa makakapulot sa kanilang dalawa, sinuman siya. Karaniwang bata ba siya o sadyang ibang-iba sa ibang bata sa kuwentong ito? Ipaliwanag nang lubusan ang iyong kasagutan.

C. Tula Ukol sa Wika
May patimpalak noon sa Calamba sa mga mag-aaral na makasusulat ng pinaka-magandang tula sa wikang Tagalog, at lumahok dito ang batang si Pepe Rizal na sisiyam na taong gulang pa lamang noon. Nagwagi ng unang gantimpala ang tula niyang Sa Aking mga Kababata na nagtataglay ng mga linyang “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa hayop o malandang isda.” Karaniwang bata ba siya o sadyang ibang-iba sa ibang bata sa kuwentong ito? Ipaliwanag nang lubusan ang iyong kasagutan.

D. Sariling mga Pigurin
Minsa’y naglalaro ng clay ang batang si Pepe, at naghuhubog siya ng mga maliliit na monumento o pigurin. Napansin nilang ang binubuo niya’y sarili niyang maliliit na monumento, at kinagalitan nila ang ipinagpalagay na kayabangan lamang niya. Sumagot siya’t nagsabing sa hinaharap magkakaroon siya ng napakasaming monumento, isang pahayag na nagkatotoo. Ang hindi pa napagkakaisahan ng mga dalubhasa ay kung natsambahan lang niya ito o may kakayahan talaga siyang tumnaw sa hinaharap. Ngayon nga’y may monumento siya sa harap ng munisipyo sa lahat ng bayan sa buong kapuluan. Karaniwang bata ba siya o sadyang ibang-iba sa ibang bata sa kuwentong ito? Ipaliwanag nang lubusan ang iyong kasagutan.

E. Kalupitan sa Mahal na Ina
Minsa’y pinagbintangan ang ina ni Pepe na kasangkot daw ito sa mga nagbalak at nagsagawa ng pagpatay sa isang kamag-anak. Pinuntahan ng mga guardia civil si Donya Trodora sa bahay nila sa Calamba, at sapilitang pnaglakad nang walang sapin sa paa sa mabatong landas sa malayong distansya ng Calamba hangang sa kapitoyo ng Sta. Cruz, Laguna. Masakit ngunit tiniis ni Pepe ang tagpong iyon. Masakit dahil sa mahal na mahal ni Pepe ang kanyang ina na noo’y ginagawan ng pagmamalupit. At pagkamuhi naman ang kanyang nadama para sa mga opisyal at tauhan ng pamahalaang Kastila na di niya kinakitaan ng dahilan upang igalang. Karaniwang bata ba siya o sadyang ibang-iba sa ibang bata sa kuwentong ito? Ipaliwanag nang lubusan ang iyong kasagutan.

F. Idolo ng Kanyang Idolo
Ganap ang paghanga ng batang si Pepe Rizal sa kuya niyang si Paciano, at masasabing idolo nga niya ito. Ngunit ang idolo niyang si Kuya Paciano ay may sarili pang idolo. Labis-labis din ang paghangang iniukol ni Paciano Mercado sa isang paring mestiso na namumuno noon sa pagpoprotesta ng mga paring Pilipino sa trato sa kanila ng Simbahang Katoliko na pinamumunuan ng mga obispo at paring Kastila. Segunda-klaseng mga pari raw ang mga paring sa Pilipinas isinilang at nag-aral dahil ang mga Pilipino raw ay Segunda-klaseng mga tao. Bunga ng kanyang mga isinusulat na naggigiit sa pagkakapantay ng lahat ng mga pari anuman ang kulay ng balat, pinag-initan ng mga opisyal na Kastila si Padre Jose Burgos, kura-paroko ng San Pedro Makati. At nang magrebelde ang mga sundalo sa Cavite, idiniin at isinangkot si Padre Burgos at dalawang iba pang paring Pilipino na sina Padre Gomez at Padre Zamora. Kulang-kulang labing-isang taong gulang si Pepe nang patayin sa sakal ng garote ang tatlong paring “Gom-Bur-Za” at pati ang mga Pilipinong malapit sa kanila ay minanmanan at pinag-initan ng awtoridad. Isa rito si Paciano Mercado na kuya ni Pepe, kaya’t bago pumasok sa Ateneo Municipal sa Intramuros, Maynila ay binago ni Pepe ang kanyang apelyido. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng apelyidong “Rizal” sa Calamba, Laguna. Ininda ni Pepe ang ginawang pagparusa ng kamatayan sa mga paring Gom-Bur-Za. Naipaliwanag sa kanya ng kanyang kuya ang dahilan nito at nagpupuyos ang kanyang damdamin sa kawalang-katarungan ng pangyayari. Paglaon, nang matapos niya ang ikalawang nobela niyang El Filibusterismo, iniaalay niya ang nobelang ito sa alaala ng tatlong pari. Karaniwang bata ba siya o sadyang ibang-iba sa ibang bata sa kuwentong ito? Ipaliwanag nang lubusan ang iyong kasagutan.
Bago pinatay si Padre Jose Burgos, mayroon siyang isang katulong at kaibigan na pinagpaliwanagan niya ukol sa kilusan sa loob ng Simbahan para bigyan ng nararapat na pagkilala at kapangyarihan ang mga paring mestiso at katutubo. Binigyan din niya ito ng mga tungkulin sa nasabing kilusan. Nang si Burgos ay mapag-initan ng mga awtoridad ng Simbahan at Pamahalaang kolonyal, pinag-initan din ng mga ito ang nasabing kaibigan at “kanang kamay,” na nagngangalang Paciano Mercado, kuya ni Pepe Mercado. Kaya bago maglakbay patungong Maynila si Pepe, binigyan siya ng isang bagong apelyido para di makilala sa Maynila na kapatid siya ni Paciano. Maluwag pa noon ang patakaran sa mga apelyido. Ang ipinalit ng pangalan ay Rizal, isang lumang katagang Espanyol na may kahulugang “luntian,” at nababagay sa agrikultura na hanapbuhay nila. Ang Mercado o palengke ay mas nababagay sa mga pamilyang nasa komersyo. Noong umpisa, si Pepe lang ang naging Rizal. Paglaon, buong pamilya na ang gumamit ng apelyidong ito.


Rizal-Module-1 Mag-anak at Pagsilang

Mga Tanong: (Sasagutin bago magpatuloy sa pagbabasa):

1. Malaki ba ang pamilyang kinasilagan ni Pepe Rizal?
2. Ang kabuhayan ba nila’y sa pagtitinda o sa produksyong pang-agrikultura?

Pambungad:

Kung may news reporter tayo na maaaring ipadala natin sa nakaraan sa isang kathang science fiction na may dalang laptop computer na may kakayahang magpadala ng isang blog posting para sa atin dito sa taóng 2011, may mahahanap kaya niya si Jose Rizal bilang isang bata sa alam nating kinalakhan niyang bayan?

Kung simple lang na makabalik siya sa mga taong 1866, na dapat ay bata nga si Pepe Rizal sa bayang iyon ng Calamba, Laguna, di ba magugulat talaga tayo kapag iulat niya na wala siyang mahanap na batang Pepe o Jose Rizal? Di ba’t magugulat tayong lalo kapat iulat niyang wala siyang mahanap roon na nakakakilala sa sinumang may apelyidong “Rizal”??? Ano??? Walang nakakilala sa sinumang may apelyidong Rizal, samantalang sa pagkakaalam nga natin ay malaking pamilya sina Jose Rizal na isa pa ngang prominenteng pamilya sa Calamba noong kahit musmos pa ang superstar nilang si Dr. Jose Rizal? Paaanong mangyayaring walang mapagtanungan ang reporter natin na nakakakakilala sa sinuman sa kanila?

Pero totoo, bakit kaya? Paanong nagging “never heard” ang apelyidong Rizal sa Calamba noong 1860s’?

Konteksto:

Hindi tayo naniniwalang ang pag-aaral ng kasaysayan ay dapat itinutuon sa pagmememorya ng mga petsa, mga pangalan ng mga tao at pangalan ng mga lugar.

Ngunit (1) sa kalagayang ang pinag-aaralan natin sa unang hati ng sinisimulan nating tri-semester ay buhay ni Jose Rizal, na isa sa pangunahin nating mga bayani bilang sambayanang Pilipino, at (2) sa kalagayan ngayong taon na pumapasok tayo sa ika-150 taon ng kanyang kapanganakan, makabubuti na ring matandaan natin ang iilan lamang namang puntong impormasyon ukol dito.

Ang petsa at lugar na kapanganakan niya ay mahalaga naman para matandaan, kasama na ang ilang batayang impormasyon ukol sa Mag-anak at Pagsilang ng isang Pilipinong itinuturing nating isang tampok na “Pambansang Bayani.”

Ipagpatuloy mo ang pagbabasa at makakasalubong ka ng “clue” o kaya nama’y dagdag pang mysteryo…

Ilang Datos na Sikapin nating Matandaan:

Pamilyang kinasilangan ni Jose Rizal
Pangalan ng Ama: Francisco Mercado (hmm! Baka narito ang maaaring pinagmulan ng “misteryo” na nasa itaas.
Pangalan ng Ina: Teodora Alonso y Realonda. Realonda ang “maternal surname” niya, apelyido ng nanay niya.
Araw ng Kapanganakan: Hunyo 19, 1861 (sa 2011 ang ika-150 kaarawan niya)
Bayang Pinagsilangan: Calamba, Laguna (doon ay prominenteng pamilyang maylupa ang pamilya)

Mga kapatid:

Isang Kuya (iisang kapatid na lalaki) :
1. Paciano (ipinanganak nooong 1851)
Iba pang mga kapatid (puro babae):
1. Saturnina (1850)
2. Narcisa (1852)
3.Olympia (1855)
4. Lucia (1857)
5. Maria (1859)

6. Concepcion (1862)

7. Josefa (1865)

8. Trinidad (1868)

9. Soledad (1870)